Home » Blog » Mangingisdang nalunod sa dagat, hindi na isinugod sa ospital at hinintay na lang ang taga punenarya

Mangingisdang nalunod sa dagat, hindi na isinugod sa ospital at hinintay na lang ang taga punenarya

SANTA FE, Romblon – Hindi na dinala sa ospital ang mangingisdang nalunod umano pagkatapos na sumisid sa ilalim ng dagat  nitong nakalipas na araw sa Sitio Tabun-ac, Barangay Guintigbasan, Santa Fe, Romblon.

Ang biktima na nakilala na si Ariel Gabon Bantang, 40 taong gulang, may kinakasama, mangingisda at residente ng Sitio Bonga, Barangay Danao Norte, Santa Fe, Romblon.

Ayon sa imbestigasyon ng Santa Fe, Municipal Police Station, dakong 12:20 ng hapon ang biktima kasama ang kanyang kapatid na si Rodelio Gabon Bantang, 46, at pinsan na si Lanie Fillarca, Jr., 38, parehong mangingisda at ka lugar ng biktima ay nagpasyang mangisda, sakay ng maliit na bangka.

Pagkaraan ng halos 30 minuto na sakay ng bangka mula sa dalampasigan ay huminto ang grupo at nagpasya na umanong sumisid ang biktima sa ilalim ng dagat na may lalim na 18 hanggang 20 talampakan habang ang dalawa niyang kasama ay naiwan at nanatili sa bangka.

Pagkalipas ng sampung minuto, nakita ni Lanie Fillarca, Jr. ang biktima na sinubukang lumutang sa tubig habang sumisinghap at kinakapos ng hininga.

Dahil sa nakita, tumalon sa dagat si Fillarca para sagipin ang biktima, ngunit dahil sa lakas ng agos ng dagat at layo ng distansiya nito sa biktima ay hindi niya ito napuntahan.

Nagdesisyon ang dalawa na bumalik sa dalampasigan at humingi ng tulong sa kapwa mga mangingisda.

Pagkaraan ng dalawang oras ay narekober nila ang biktima at dinala sa Rural Health Unit, ngunit ayon sa naka duty na nurse ay wala na umanong pulso ang biktima.

Kumbinsido naman umano ang pamilya ng biktima na wala na itong buhay ng marekober at madala sa dalampasigan kung kaya’t hindi na nila ito isinugod sa ospital at sa halip ay hinintay na lang nila na dumating ang tauhan ng punenarya na kukuha sa bangkay ng biktima. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment