ROMBLON, Romblon – Dineklarang dead on arrival ng sumuri na doktor ng Romblon District Hospital (RDH) ang drayber na nahulog kasama ang minamanehong traysikel sa sapa dakong 2:45 ng madaling araw ng Hunyo 29, 2024 sa Sitio Kalye Langit, Barangay Bagacay, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Ramon Miñeque Riano, Jr., 45 anyos, tricycle driver at residente ng Barangay Poblacion IV, Romblon, Romblon.
Sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, habang pauwi na ng kanyang bahay ang isang residente na si Butch Magpusao sakay ng kanyang motorsiklo, ay kanyang nakita ang traysikel at ang biktimang drayber na nasa sapa sa Sitio Kalye Langit, Barangay Bagacay, bago tumawid sa maikling tulay.
Agad itong humingi ng tulong sa Romblon District Hospital na nagpadala ng kanilang ambulansiya para makuha ang biktima na nasa ilalim ng traysikel.
Ngunit, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima kung saan ay dineklara itong dead on arrival ng sumuri na manggagamot ng RDH.
Ayon sa imbestigasyon, pinaniniwalaan na nakainom umano ng alak ang biktima at nadaganan ito ng minamanehong traysikel pagkahulog sa naturang sapa. (RSun Staff)







Add Comment