LOOC, Romblon – Sugatan na isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos itong tagain ng nakaalitang kabarangay sa bilyaran nitong 11:45 ng gabi sa Barangay Agojo, Looc, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Junlie Maestro Marcelo, 40 anyos, may-asawa, mangingisda, habang ang itinuturong suspek ay si Richard Asinas Tiaga, 45, may-asawa, mangingisda at kapwa residente ng Sitio Soong, Barangay Agojo, Looc, Romblon.
Ayon sa Looc Municipal Police Station, ang biktimang si Marcelo kasama ang kanyang pinsan ay naglalaro ng billiard sa kanilang kapitbahay sa nasabing lugar.
Nang dumating ang suspek na si Tiaga at kinuha ang bola ng billiard. Sinabihan umano ng biktima ang suspek na ibalik ang bola ng billiard sa mesa ngunit hindi sumunod ang suspek.
Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktimang si Marcelo at ng suspek na si Tiaga.
Umuwi umano si Tiaga at pagkaraan ng ilang minuto ay bumalik at may dala na umanong gulok kung saan ay kanyang tinaga si Marcelo na tinamaan sa kaliwang balikat.
Inawat naman ang dalawa ng kanilang mga kamag-anak at kapitbahay.
Agad na isinugod ang biktima sa Don Modesto Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, Romblon para malapatan ng agarang lunas at kalaunan ay inilipat ito sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, Romblon.
Samantala, ang suspek ay inaresto ng nag respondeng mga tauhan ng Looc MPS.
Kasong Frustrated Murder ang inihahandang isampa ng Looc MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)







Add Comment