SAN JOSE, Romblon – Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang isang matadero (magkakatay ng karne) matapos nitong masaksak ang kainuman dakong umaga ng Hunyo 10, sa Barangay Combot, San Jose, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Allan Coching Tana, 44 taong gulang, may kinakasama, driver, habang ang itinuturong suspek ay si Ranilo Fran Domingo, 40, walang asawa, matadero, at kapwa residente ng nasabing barangay.
Base sa ulat ng San Jose Municipal Police Station, ang biktima at ang suspek ay nag-iinuman umano sa bahay ng suspek na si Domingo. Habang na-iinuman ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa kung saan ay bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima na tinamaan sa ibabang bahagi ng tiyan.
Agad na isinugod sa San Jose District Hospital ang biktima para sa malapatan ng kaukulang lunas.
Samantala, inaresto naman ang suspek sa kanyang bahay ng mga nagresponding tauhan ng San Jose MPS. Nakuha rin sa suspek ang ginamit nitong patalim sa pananaksak sa biktima.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng pulisya sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (RSun Staff)







Add Comment