ROMBLON, Romblon – Walang malay at duguan ang ulo na dinala sa ospital ang isang construction worker na pintor na nahulog mula sa ika-tatlong palapag ng ginagawang gusali ng pamahalaang panlalawigan dakong umaga ng Biyernes, Mayo 10, sa Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay kinilala ng Romblon Municipal Police Station na si Jonas Mingo Baldemoro, 39 anyos, may kinakasama, construction worker/building painter at residente ng Barangay Logbon, Romblon, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Romblon MPS, ang biktima umano ay nasa metal trusses na nasa ika-tatlong palapag at nagpipintura ng labas ng dingding ng ginagawang gusali ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon.
Napag-alaman na hindi umano maayos na naikabit ng biktima ang carabiner sa lubid at ng matamaan ito ng steel trusses ay aksidente umano itong nahulog at bumagsak sa kongretong groundfloor ng nasabing gusali.
Agad namang sinaklolohan ang nawalan ng ulirat at duguang biktima ng kanyang mga kasamahan at isinugod sa Romblon District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Kasalukuyang umanong wala pang malay ang biktima na nagtamo ng malubhang tama sa ulo. (RSun Staff)






Add Comment