Lalaki arestado matapos makuhaan ng baril sa isang bar sa Looc, Romblon

LOOC, Romblon – Inaresto ang isang lalaki matapos itong makuhaan ng isang baril habang nag-iinuman dakong 10:15 ng gabi ng Sabado sa UGBO, Barangay Punta, Looc, Romblon.

Ang suspek na napag-alaman na si Scott Ian Silverio Lorenzo, 29 taon gulang, binata, walang trabaho at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa Looc Municipal Police Station, tumawag umano ang isang concerned citizen mula sa UGBO sa Looc kay PCpl Ryan James Condes ng RPMFC na nakadestino sa Looc Town Fiesta, Barangay Poblacion, Looc, Romblon, at ibinalita na may isang lalaki na may nakasukbit na baril sa kanyang baywang habang nag-iinuman sa nasabing lugar.

Agad namang pumunta sa naturang lugar si PCpl Condez, kasama sina PCpl Amancio Mejares, Jr., Pat Evan Gelito at Pat Kevin Ferrancullo at kanilang nakita at pinuntahan ang isang mesa kung saan nag-iinuman ng alak ang limang lalaki.

Nilapitan ni PCpl Mejares, Jr. ang grupo at sinabihan itong tumayo. Bago tumayo ang suspek ay nakita ni PCpl Mejares na itinapon nito ang baril sa ilalim ng mesa na napag-alaman na caliber .38 ARMSCOR revolver na may kargang anim na bala.

Noong kinapkapan ang suspek ay nakuha rin sa possesyon nito ang anim (6) pang bala ng kalibre .38 revolver.

Inaresto ang suspek ng mga awtoridad at dinala sa Looc MPS kasama ang narekober na mga ebidensya para sa kaukulang disposisyon.

Kasong paglabag sa RA 10591 ang inihahandang isampa ng Looc MPS laban sa suspek sa piskalya. (RSun Staff)

 

 

 

 

 

 

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment