1 patay, isa sugatan, matapos na masagi ng sasakyan ng barangay kapitan

ALCANTARA, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki at kritikal naman ang kasama makaraang masagi ng sasakyan ng barangay opisyal noong gabi ng Abril 29 sa Sitio San Ramon, Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon.

Ang mga biktima ay kinilala na sina RR Coching Ibabao, 27 taong gulang, binata, laborer at Garen Marimla Delos Reyes, 21 anyos, at parehong residente ng Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon habang ang itinuturong suspek ay si Liberato Galicha Mayor, Jr., 58 taong gulang, may-asawa, Barangay Captain at residente ng Barangay Gui-ob, Alcantara, Romblon.

Sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, sa nasabing oras, petsa at lugar ay nakaupo umano si Ibabao sa nakaparadang motorsiklo sa gilid ng daan habang kausap si Delos Reyes na nakaupo sa tabi ng kalsada.

Samantala, sakay naman at minamaneho ng suspek ang kanyang sasakyan na kulay silver na Hyunda Accent mula sa Barangay Calagonsao, papunta sa Barangay Gui-ob, Alcantara, Romblon.

Pagsapit umano nito sa bahagyang kurbadang kalsada kung saan naroon ang mga biktima, hindi umano natantiya ng suspek ang pagmamaneho dahil sa mabilis nitong pagpapatakbo at aksidenteng nahagip ang dalawa.

Dahil sa lakas ng pagkasagi ay tumilapon ang mga biktima at ang motorsiklo sa kongkretong kalsada.

Dinala ang mga biktima sa Don Modesto Formilleza Sr., Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon, ngunit idineklarang dead on arrival si Ibabao ng sumuring doktor habang nasa malubhang kalagayan si Delos Reyes na nagtamo ng mga sugat sa ulo.

Inaresto naman ng mga rumesponding tauhan ng Alcantara MPS ang suspek at kasamang dinala ang sasakyan na sangkot sa aksidente sa kanilang estasyon.

Kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury and Damage to Property ang inihahandang isampa ng Alcantara MPS laban sa suspek sa tanggapan ng Provincial Prosecutor sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment