SAN FERNANDO, Romblon – Duguan at nakahandusay sa damuhan ng madatnan ng pulisya ang isang lalaki na nakipagduwelo sa kanyang kapitbahay dakong hatinggabi ng Pebrero 22, 2024 sa Sitio Punong Ilawod, Barangay España, San Fernando, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Ariel Bartolay Almoguerra, 56 taong gulang, may-asawa, mason, habang ang kaduwelo nito ay kinilala na si Ricardo Perez Rada, 54 anyos, may kinakasama, construction worker, miyembro ng Brgy Tanod at parehong residente ng naturang barangay.
Sa imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station, ang suspek at biktima ay magkapitbahay umano ng nasabing barangay at bakod lamang ang pagitan ng kanilang mga bahay.
May dati na umanong alitan ang dalawa na pinalala pa ng hindi pagpansin ng biktima (Amoguerra) sa hiling ni Rada (suspek) na kanyang ikulong ang kanyang mga alagang manok dahil sa kinakain nito ang kanyang palay.
At kagabi, Pebrero 22, ang biktima na umano’y nasa ilalim ng espiritu ng alak at may dalang armas na gulok at tubong bakal ay hinamon umano ng duwelo ang suspek sa labas ng kanilang bakuran.
Ang suspek na nagalit na rin sa paulit-uit na pagtawag ng biktima ay lumabas ng kanilang bahay na may dalang tubong bakal at hinarap ang biktima kung saan ay matinding naghamok ang dalawa sa naturang lugar.
Nagtamo ng sugat sa ulo ang nanghamon na biktima samantalang may sugat naman ang suspek sa kanyang kaliwang kamay.
Parehong isinugod ng mga tauhan ng San Fernando MPS ang dalawa sa Rural Health Unit ng San Fernando, Romblon para malapatan ng kaukulang lunas.
Dineklara namang binawian ng buhay ang biktima.
Samantala, inaresto ang suspek ng mga tauhan ng San Fernando MPS.
(Tony Miñano Macalisang)







Add Comment