SANTA FE, Romblon – Kapwa isinugod sa ospital ang dalawang driver at 2 angkas ng isang motorsiklo matapos salpukin ng nakainom na rider ang kasalubong na motorsiklo nitong 2:45 ng hapon kahapon, Pebrero 9, 2024 sa National Road ng Sitio Saway, Barangay Pandan, Santa Fe, Romblon.
Kinilala ang mga biktima na isang menor de edad na babae na siyang nagmamaneho ng motorsiklo na pag-aari ng kanyang tatay na si Ferdinand Fillarca, kasama ang dalawang angkas na si Christel Jade Rufino Fillarca, 18 anyos, estudyante at isang menor de edad at parehong residente ng Brgy. Mat-i, Santa, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na si Charles Diva Familara, 54 taong gulang, may-asawa, construction worker at residente ng Brgy. Mat-i, Santa Fe, Romblon.
Ayon sa Santa Fe Municipal Police Station, binabaybay umano ng motorsiklo na minamaneho ng isang menor de edad na babae kasama ang dalawang angkas ang national road ng Sitio Saway, Barangay Pandan, Santa Fe, Romblon papunta sa direksyon ng Poblacion ng Santa Fe habang nasa kabilang linya naman ang suspek na umano’y nasa ilalim ng espiritu ng alak.
Pagsapit sa lugar ng insidente, hindi umano napansin ng nakainom na suspek ang papalapit na motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima at kung saan ay napagawi ito sa kabilang linya at diretsong nabangga ang kasalubong na motorsiklo at dahilan para tumilapon ang mga sakay ng dalawang sasakyan.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima at suspek na dinala sa Santa Fe Rural Health Unit na kalaunan ay inilipat sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, Romblon.
Ang dalawng motorsiklo na sangkot sa naturang aksidente na nagtamo ng hindi pa batid na halaga ng pinsala ay dinala at pansamantalang kinustodiya sa Barangay Hall ng Brgy. Mat-i. Santa Fe, Romblon. (RSun Staff)







Add Comment