ODIONGAN, Romblon – Tinangay ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang pera, alahas at mga paninda, ng isang sari-sari store dakong madaling araw kahapon, Pebrero 9, 2024 sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.
Ang biktima na may-ari ng tindahan ay kinilala na si Jessie Carnites Fere-ira, 40 anyos, may kinakasama, negosyante at residente ng Barangay Batiano, Odiongan, Romblon, habang hindi pa nakilala ang nanloob na mga suspek.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ibinalita umano ng biyenan ng biktima na si Maria Valencia kay Jessie na ang kanyang tindahan ay nabuksan at natanggal ang kandado.
Agad naman na pumunta ang biktima sa kanyang tindahan at inusisa ito. Kanyang nadiskubre na nawawala ang kanyang pares na palawit na ginto na nagkahahalaga ng P24,000.00. Nalimas rin ang pera na nakalagay sa kaha na halagang P22,200.00, mga panindang sigarilyo at 25 bote ng alak na bilog.
Ayon sa biktima, nasa kabuuang P52,700.00 umano ang halaga ng nakulimbat ng mga kawatan na pumasok sa kanyang tindahan.
Sa ulat ng Odiongan MPS, dumaan umano papasok at palabas ang mga suspek sa harap na pintuan ng tindahan sa pamamagitan ng pagsira sa kandadong kadena nito gamit ang isang matigas na bakal.
Nagsagawa naman ng follow up na imbestigasyon ang Odiongan MPS para sa posibleng nakakita sa mga suspek at sa kanilang pagkakikilanlan. (RSun Staff)







Add Comment