ODIONGAN, Romblon – Nayupi ang pintuan ng kotse na pag-aari ng vice mayor ng Corcuera matapos itong mabangga ng tricycle dakong 5:00 ng hapon kahapon, Pebrero 6, 2024 sa kanto ng Jollibee, Barangay Liwayway, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang may ari ng sasakyang Toyota Wigo na si Aubrey Fabiala Fondevilla, Municipal Vice Mayor ng Corcuera, Romblon, 41 taong gulang, at residente ng Barangay Poblacion, Corcuera, Romblon, habang ang suspek na may-ari ng tricycle ay napag-alaman na si Rommel Gabutero Cayetano, 48 anyos, may-asawa, at residente ng Barangay Canduyong, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, binabaybay umano ni Vice Mayor Fondevilla ang Magsaysay Street mula Barangay Tabing-Dagat papunta sa direksyon ng Barangay Liwayway, habang ang tricycle na minamaneho ng nakainom umanong suspek ay mabilis ang patakbo sa Gomez St, Brgy. Liwayway at pagsapit sa kanto sa tabi ng Jollibee ay aksidente nitong nasalpok ang dumaang kotse ni Vice Mayor Fondevilla.
Dahil sa lakas ng pagkabangga ay natupi ang kanang pintuan ng sasakyan ni VM Fondevilla.
Pagkatapos ng naturang insidente ay mabilis umanong umalis ang suspek sakay ng kanyang tricycle sa hindi batid na direksyon.
Ligtas naman umano si Vice Mayor Aubrey sa loob ng kanyang sasakyan.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Odiongan MPS para matunton at mahuli ang suspek. (TMM)







Add Comment