ODIONGAN, Romblon – Nagpalabas ng opisyal na pahayag si Mayor Trina Firmalo-Fabic tungkol sa umiikot na pagpapapirma sa petisyon para sa pagbabago ng Konstitusyon dito sa lalawigan ng Romblon.
“Nitong mga nakaraang mga araw, nalaman natin na may umiikot na Petisyon sa mga barangay ng Odiongan at sa probinsya ng Romblon, tungkol sa pag-amendiya ng Article XVII, Section 1(10 ng 1987 Constitution,” ayon kay Mayor Trina.
Ayon pa kay Mayor Fabic, ang sinumang pumirma sa nasabing petisyon ay pumapayag na baguhin ang batas na magkasabay na ang boto ng Kongreso at Senado.
“Kapag pumirma kayo, sinasabi ninyo na sumusuporta kayo na baguhin ang batas, na pag-amendiya ng Konstitusyon, na gagawin ang pag boto ng sabay ng Kongreso at Senado, na ibig sabihin ay pwedeng masapawan ang mga senador ng mga kongresista dahil 300 ang kongresista habang ang senador ay 24 lamang,” ani Mayor Trina.
Aniya pa, “Sa ilalim kasi ng batas ngayon ay hiwalay ang pagboto ng Kongreso at Senado sa mga proposed amendments – so dapat pumasa ang isang amendment sa Kongreso at dapat pumasa rin ito sa Senado. Kung ‘voting jointly’ katulad ng nakasaad sa petisyon, mawawala ang check and balance ng dalawang legislative house sa isa’t-isa.”
Napag-alaman ni Mayor Trina na iisa ang porma ng petisyon at ang nagpapapirma ay mga barangay opisyal at dating barangay opisyal. Hindi rin umano nauunawaan ng mga pumipirma ang kanilang pinipirmahan.
“Nalaman natin na tila iisa ang itsura ng Petisyon at ang nag-iikot para magpapirma nito ay mga barangay officials o dating barangay officials. Nakarating din sa atin ang mga pangamba ng ating mga kamunisipyo na ang ilan sa kanila ay hindi lubos na naunawaan ang kanilang mga pinipirmahan”, ayon kay Mayor Fabic.
Dagdag pa ni Mayor Trina, “Ang sinabi sa kanila ay sila ay maaring makatanggap ng ayuda, o na ito ay kailangan sa Comelec, Philhealth, o iba pang ahensya ng gobyerno, at iba naman ay nagpaabot na sila ay ginigipit, o hinaharas, o sinasabihan na hindi makakatanggap ng serbisyo ng barangay kung hindi pumirma.”
Labis na ikinababahala ni Mayor Fabic ang nasabing report dahil naniniwala siya sa prinsipyo ng transparensiya, wastong pagpapasya, at paggalang sa mga karapatan ng mamamayan. Mariin rin siyang tumututol sa anumang panggigipit o panlilinlang upang makakuha ng mga lagda para sa anumang petisyon.
Aniya pa, ang pangakong ayuda o pagbabanta ng pagkait ng serbisyo ng barangay ay hindi dapat maging batayan para sa pagpirma sa nasabing Petisyon dahil ito umano ay isang anyo ng paglilinlang at pag-aabuso ng kapangyarihan.
Ayon pa kay Mayor Trina, kailangan na maging mapanuri at maging maingat ang mamamayan bago pumirma sa anumang dokumento. Sa People’s Initiative umano, ang kapangyarihan ay nasa kamay ng taumbayan at hindi ito isang utos na ibinababa para sundin. Ang mamamayan ang magpapasya kaya ang kada lagda ay dapat na nagmumula sa malalim na pag-unawa at paniniwala.
Ikinalulungkot rin umano ni Mayor Fabic ang paggamit ng mga opisyal ng barangay upang isulong ay nasabing layunin. Dapat umano na ipinaabot ng taongbayan sa kanilang opisina ang pangako na ayuda kapalit ng pirma o anumang panggigipit o babala na hindi sila mabibigyan ng serbisyo ng barangay kung hindi pumirma sa petisyon.
Ayon kay Mayor Trina F. Fabic, kinikilala nito ang paraang people’s initiative sa pagbabago ng Konstitusyon bilang isang malusog na senyales ng participatory democracy na binibigyan ang mga mamamayan ng kapangyarihang magdesisyon sa pulitika, kaya’t mahalaga umano na magkaroon ng konstruktibo at malayang usapan sa mga mahahalagang desisyon gaya ng reporma ng Konstitusyon.
“Bilang paglilinaw, handa kaming sumuporta sa tunay at malinis na People’s Initiative,” pangwakas na pahayag ni Mayor Trina F. Fabic.
(Tony Miñano Macalisang)







Add Comment