ROMBLON, Romblon – Pumunta ng Romblon Municipal Police Station ang isang punong guro para ireklamo ang pagkawala ng kanyang ginagamit na laptop matapos na pasukin ng hindi pa kilalang suspek ang kanyang bahay sa Sitio Luway, Barangay Cajimos. Romblon, Romblon noong umaga ng Disyembre 20, 2023.
Ang biktima ay kinilala na si Andrie M. Tomarong, 51 taong gulang, may asawa, School Principal ng San Jose Elementary School at residente ng Sitio Luway, Barangay Cajimos, Romblon, Romblon,
Ayon kay Tomarong, umalis umano siya ng kanilang bahay para kunin ang kanyang SRI allowance sa DepEd Division Office, sa Capaclan, Romblon, Romblon. At sa kanyang pagbalik dakong 10:30 ng umaga ay napansin umano nito na ang kanyang personal na mga kagamitan sa loob ng kuwarto ay nagkalat.
Natuklasan nito na ang laptop na Lenovo Core 13 8GB na nagkahahalaga ng P20,000.00 at pag-aari ng San Jose Elementary School na kanyang itinago sa loob ng bag ay nawawala.
Napag-alaman ng biktima na dumaan umano ang hindi pa nakilalang suspek sa sliding na bintana sa kusina. Binasag umano ng suspek ang salamin na bintana gamit ang matigas na bagay at hinila ang pagkakandado nito upang tuluyang mabuksan.
Tumakas ang suspek na dumaan rin umano sa naturang bintana.
Nagsagawa naman ng follow-up na imbestigasyon ang Romblon MPS para sa pagkakikilalan sa suspek at sa posibleng pagkaaresto nito. RSun Staff)







Add Comment