MAGDIWANG, Romblon – Patay nang matagpuan ang isang lalaki na aksidenteng bumangga sa punong niyog ang sinasakyang motorsiklo dakong 6:00 ng umaga kahapon, Disyembre 18, 2023 sa National Road na sakop ng Sitio Agnonoc, Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Louie John Rollon Ruado, 28 taong gulang, binata, seaman at residente ng Sitio Tabuk, Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.
Ayon sa Magdiwang Municipal Police Station, isang Eulalia Radan Rapada ang magtatapon umano ng kanyang basura sa likurang bahagi ng kanilang bahay sa nasabing barangay kung saan ay nakita niyang may isang motorsiklo na Suzuki Thunder 125 na nakatumba sa gilid ng kalsada. Nilapitan umano niya ito at nakita niya rin ang nakahandusay na duguang biktima na parang wala nang buhay.
Agad nitong tinawag si Kagawad Domingo Robis na di kalayuan sa kanilang bahay na siyang namang nagpaabot sa nasabing aksidente sa Magdiwang MPS.
Sa imbestigasyon ng Magdiwang MPS, napag-alaman na ang motorsiklo ng biktima ay bumangga sa punong niyog na isang metro ang distansya sa gilid ng kalsada. At sa lakas umano ng pagkabangga ay tumilapon ang biktima ng halos dalawang metro ang layo at bumangga ang ulo sa isang malaking bato na naging dahilan umano ng kanyang agarang pagkasawi.
Walang umanong nakitang bakas sa kalsada na nagpreno ang biktima.
Ayon sa tatay ng biktima, umalis umano sa kanilang bahay ang biktima na nasa ilalim ng ispiritu ng alak, dakong 12:00 ng hating gabi ng Disyembre 18, 2023.
Wala umanong indikasyon na mayroon foul play sa pangyayari ayon sa mga awtoridad.
Dinala ang bangkay ng biktima sa Magdiwang Rural Health Clinic para sa kaukulang Mortem examination. (TMM)







Add Comment