Deprecated: The called constructor method for WP_Widget class in EV_Widget_Entry_Views is deprecated since version 4.3.0! Use __construct() instead. in /home/romblons/public_html/wp-includes/functions.php on line 6131
Lalaki na nagbabantay sa tindahan sa Odiongan, Romblon binaril ng suspek na hindi pinautang ng alak - Romblon Sun
Home » Blog » Lalaki na nagbabantay sa tindahan sa Odiongan, Romblon binaril ng suspek na hindi pinautang ng alak

Lalaki na nagbabantay sa tindahan sa Odiongan, Romblon binaril ng suspek na hindi pinautang ng alak

ODIONGAN, Romblon – Agad na nasawi ang isang lalaki na tumatao sa tindahan matapos itong barilin ng suspek na hindi pinautang ng alak, maghahating gabi ng Miyerkulas, Disyembre 12, 2023 sa Sitio Torrel, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.

Kinilala ang biktima na si Joseph Christian “JC” Guyo Rubion, 30 taong gulang, walang trabaho at residente ng Barangay Dapawan, Romblon habang ang suspek ay kinilala na si Manny Yap Montojo, 52 taong gulang, driver at nakatira sa Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.

Ayon sa tiya ng biktima na si Bernadette Rubion Gado, maghahatinggabi ay dumating umano ang suspek sa tindahan na binabantayan ng biktima at bumili ng sigarilyo. Nagsabi rin umano ito na uutang ng alak ngunit hindi binigyan ng biktima dahil sa nakainom na umano ang suspek.

Ayon pa kay Bernadette, noong  nasa loob siya ng kanyang kuwarto sa tindahan ay narinig niya na nagtatalo ang kanyang pamangkin at ang suspek.

Umalis umano ang suspek at mayamaya pa ay bumalik ito na may dala nang baril kung saan ay kanyang binaril ang biktima.

Agad namang isinugod ng mga kamag-anak ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng sumuring manggagamot.

Samantala, tumakas ang suspek na sakay ng tricycle sa hindi batid na direksyon .

Sa ginawang follow-up operation ng Odiongan Municipal Police Station, kaninang madaling araw, Disyembre 13, ay natunton ang suspek sa bahay ng kanyang kapatid sa Barangay Matutuna, San Andres, Romblon kung saan ay nagkaroon umano ng putukan at napatay ang suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment