LOOC, Romblon – Binawian na ng buhay bago pa man dumating sa ospital ang isang menor de edad na dalaga na umano’y nakitang nakabitin sa kisame ng kanyang kuwarto, pasado ala una ng hapon kahapon, Disyembre 7, 2023 sa Barangay Poblacion, Looc, Romblon.
Ang biktima ay itago natin sa pangalang “Nene”, menor de edad, estudyante at tubong Looc, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, ang biktimang si Nene ay nadiskubre ng kanyang kaboard mate (na isang menor de edad), na nakabitin sa kisame na kanyang tinutulugan na kuwarto na nasa ika-tatlong palapag ng isang gusali. Ang biktima ay may nakapulupot umano na tali sa kanyang leeg. Agad nitong pinaalam sa caretaker ng nasabing gusali ang kanyang nakita. Sinubukan pa umano ng caretaker na bigyan ng first aid ang biktima ngunit walang reaksyon mula sa biktimang dalaga, kaya’t isinugod nila ito sa ospital.
Sa karagdagang pagsisiyasat ng Looc MPS ay napag-alaman na si “Nene” at ang kanyang kasintahan ay mayroon umanong hindi pagkakaunawaan ilang araw na ang nakalipas.
Ayon pa sa pulisya, may ulat na ang biktima ay nagtangka na rin umanong magpakamatay ngunit ito ay agad napigilan ng kanyang pamilya.
Patuloy pang magsasagawa ng imbestigasyon ang Looc MPS tungkol sa nasabing insidente. (AMM)







Add Comment