LOOC, Romblon – Parehong isinugod sa ospital ang dalawang motorista matapos na mabundol ng sumusunod na motorsiklo ang papaliko na naunang motorsiklo nitong hapon ng Nobyembre 26, 2023 sa Barangay Tuguis, Looc, Romblon.
Kinilala ang sakay ng naunang motorsiklo na si John Del Estilloso Agustin, 27 taong gulang, at residente ng Barangay Tuguis, Looc, Romblon habang ang drayber ng pangalawang motorsiklo ay si Mel Bryan Madrona, 31 taong gulang at nakatira sa Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, binabaybay umano ng motorsiklong Honda GTR 150 na pagaari at minamaneho ni Agustin ang National Road ng Barangay Tuguis, Looc, Romblon papunta sa direksyon ng Poblacion ng Looc, at ganun din ang sinasakyan at pag-aari na motorsiklong Keewey Cafe Racer 152 ni Madrona.
Pagdating sa lugar ng insidente ay nagmenor umano si Agustin at magliliko pakaliwa ngunit dahil sa matuling takbo ng motorsiklo ni Madrona ay aksidente nitong nahagip ang kaliwang hulihan ng motorsiklo ni Agustin na nagresulta sa pagtilapon ng mga sakay at sasakyan.
Parehong nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawa na isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Ang mga motorsiklo na sangkot na naturang aksidente ay dinala sa Looc MPS para sa kaukulang disposisyon. (TMM)







Add Comment