Ni WILSON FORTALEZA
Nakatanim sa dalawang misteryosong salita na ito – confidential fund –ang nakasisik sa badyet ng ilang opisyal na halos hindi na pakialaman ng mga mambabatas. Dahil ang pondo raw na ito, ayon sa pangalan, ay may kumpidensiyal na kalikasan. Kumpidensiyal sa kahulugan na tanging ang taong “awtorisado” ng batas ang nakakaalam kung paano, kailan, at saan mapupunta ang inilaang halaga para sa kanya at sa kanyang tanggapan.
Maaaring madali tayong makarating sa konklusyon na ang bahaging ito ng badyet ay laging klasmeyt ng katiwalian. Tiyak na oo, dahil ang anumang itinatago at ginagastos sa hindi transparent na paraan ay laging itinuturing na iregular. Ito’y dahil, kumpara sa iba pang alokasyon na nangangailangan ng detalyadong pisikal at pinansyal na plano na naayon sa inaasahang mga resulta, ang confidential and intelligence funds (CIF) ay lump sum na alokasyon para sa mga aktibidad na alam lamang ng gumastos.
Gayundin, kumpara sa opisyal na intelligence funds na inilaan para sa mga pwersa ng seguridad at mga opisyal ng intelligence na hindi kinakailangang ipakita ang kanilang mga lihim na operasyon upang protektahan ang estado laban sa mga kaaway at kriminal, ang paggamit ng confidential funds sa sibilyan na ahensya ay maaring maging unlimited ang gamit, lalo na kung hindi pinagdududahan ng mga mambabatas na silang may pananagutan sa tamang paggamit ng kaban ng bayan. Kung hindi aalisin at itakda ang tamang paggamit, ang CIF ay maaring maging kapareho ng pork barrel na ginagamit upang gantimpalaan ang political base ng mga politiko.
Ngunit sa ngayon, mas marami na ang nagtatanong kung para saan nga ba itong confidential fund na ito? Ito ay matapos masailalim sa pagsusuri ng publiko at progresibong mga mambabatas ang inirerekomendang confidential funds para sa Office ni Vice-President Sara Duterte, na siya ring Kalihim ng Edukasyon, hindi lamang dahil sa napakalaking alokasyon para sa kanya kundi pati na rin sa isyu ng lustay na paggamit niya dito sa nakaraan.
Ang mga halaga na ito ay ₱500M para sa OVP at ₱150M para sa DepEd. Ang isyu ay lalong nag-init nang malantad na ang 2022 CIF ng OVP na ₱125M ay nagastos niya sa loob lamang ng 11 araw (hindi 19 araw na naunang nabanggit). Dagdag pa, lumabas na humingi ang OVP ng ₱430M na CIF para sa 2022 ngunit ₱125M lamang ang inaprubahan ni Bongbong Marcos.
Sa galit ay binweltahan ni Sara Duterte ang kanyang mga kritiko, partikular si partylist Rep. France Castro at Sen. Risa Hontiveros.
Pero paano nga ba maaaring iligtas ang VP mula sa gulo na kanyang nilikha? Wala siyang maipakita kung saan napunta ang ₱125M na CIF para sa 2022 at kung saan mapupunta ang bagong kombinadong alokasyon na ₱650M para sa 2024. Ang kanyang tagapagtanggol na si Marikina Rep. Stella Quimbo ay tanging makapagsasabi lamang ng isang kwentong pambata tungkol sa pag-iral ng line item para sa CIF sa 2022 upang gawing legal o konstitusyonal ito.
Ang sinasabing hindi makitang item sa CIF 2022 ay ang item ng Good Governance Projects ng OVP dahil zero ang alokasyon dito, dahilan para bigyan daw ito ng CIF na ₱125M mula sa Office of the President. Wow, sa Pilipinas lang may napakalaking Confidential Fund para sa Good Governance na nagastos sa loob lamang ng 11 araw!
Ang mga manggagawang minimum wage ay kailangang kumayod para mabuhay sa ₱8,000 na threshold sa pagkain bawat buwan, o ₱266 para sa araw-araw na pagkain ng pamilya. Ngunit doon sa itaas, mayroong Vice-President na naglalabas ng confidential good governance na halagang ₱11,363,636 bawat araw!
Ngunit bakit tayo magrereklamo lamang laban sa CIF ng VP Duterte kung ang Pangulo ay bibigyan din ng ₱2.25B sa CF at ₱2.31B sa intelligence funds sa 2024 National Expenditure Program? At mayroon din siyang karagdagang ₱50M na CF na itinago sa ibang bulsa bilang Secretary of Agriculture.
Kaya’t mag-ingat tayo sa maraming dahilan. Mayroon tayong Pangulo at Vice-President na mahal na mahal ang Pilipinas at talagang masaya habang sila ay nasa pwesto. At dahil sila rin ang lumalabas na pinakamasipag na opisyales ng bansa, bibigyan din sila ng halos ₱2B para sa kanilang mga gastusin sa kanilang mga byahe sa 2024.
Ang mga manggagawa ay madalas sabihan ng mga tagapamahala ng ekonomiya na pigilin ang paghingi ng dagdag na sahod upang mapanatili ang istabilidad ng ekonomiya na unti-unti pa lamang bumabangon mula sa pandemya. Ang mas mataas na sahod lalo lamang daw magpapataas sa implesyon sa bansa.
Totoo nga ba ito? Ngunit heto sila – ang pinakamatalino at nirerespetong mga ekonomista ng bansa – na walang kahihiyang nakapikit sa paglalaan ng bilyones na pondo para sa confidential fund ng mga opisyal ng gubyerno mula sa pambansang badyet na walang anumang kaugnayan sa paglago ng ekonomiya at produktibidad!
Magandang pamamahala? Wala sila sa nanay ko. No read, no write ang nanay ko, ngunit eksperto siya sa wastong pamamahala ng kakarampot na kita ng aming pamilya noong kanyang kapanahunan. Ito ang good governance, di hamak na mas mainam kaysa sa confidential good governance ni Inday Sarap-buhay.






Add Comment