Kailangan Makabuo Ng Service Provider Sa Agriculture Sector

Ni JUN F. FIEDACAN

Malaki ang problemang kinakaharap ng agriculture sector. Bumababa ang production lalo na sa pagpapalayan. Ito ay sanhi ng ibat-ibang kadahilanan. At ito ay iisa-isahin natin.

MAHAL ANG MGA FARM INPUTS – sa pagdaan ng mga taon ay tumataas ang presyo ng puhunan sa pagtatanim ng palay lalo na ang abono na halos 100% ang itinaas sa presyo ng 2017 at hindi makayanan ng mga magsasaka ang mapunuan ang pangangailangan ng mga tanim na palay. Mahal ang krudo at gasolina kaya tumataas din ang upa sa traktora sa paghahanda ng lupa. Mahal na din ang pagpapaararo ng kalabaw na umaabot sa P700.00 ang araw na dati ay P350.00 lang. Mahal na din ang mga pamatay kulisap, pamatay damo, pamatay ng kuhol na halos doble na ang itinaas ng presyo.

IBAT-IBANG KALAMIDAD NA NAKAKAAPEKTO SA PRODUKSYON – mas matindi na ngayon ang mga kalamidad na dumadating sa ating bansa lalo na sa panahon ng La Nina. Halos ayaw tumigil ang pag ulan at mga pagbaha at maraming bagyo ang dumadating sa bansa. Masuwerte tayo dito sa Romblon at mga habagat lang at ulan ang ating nararanasan at bihira ang malalakas na bagyo. Pero mahirap magtanim ng palay pag maulan ang panahon. Ayaw sumibol ng mga binhi at nalulubog sa baha pag napupuno ang mga pilapil. Dahilan ng pagkasira ng mga isinabog na palay at nag uulit ng pagsabog ang mga magsasaka. Kaya dagdag gastos sa pagbili ng panibagongbinhi. Sa panahon naman ng tag tuyot ay napakadalang ang ulan at hindi maalagaan ng tama  ang mga tanim na palay dahil kulang sa tubig lalo na ang mga sahod ulan. Kaya bumabagsak din ang produksyon. Ang masaklap pa nito ay kung aanihin na ang palay at inulan ay hindi mabibilad ang mga bagong aning  palay ay nabubulok o nangingitim ang butil at bumababa ang presyo sa merkado na dati ng mababa.

MADALANG NA ANG MGA TRABAHADOR  NA NAARKILA SA TRABAHONG BUKID – Napakahirap  nang maghanap ng mag aararo sa mga tubigan dahil kakaunti na ang mga kalabaw at marami ang tumigil nang magpaupa (Kasi may ayuda na sa 4Ps) Kaya mahal ang upa sa arawang pagaararo na inaabot ng P750.00 ang isang araw. Madalang na din ang nakukuhang magbubunot ng punla at mahal na din ang upa na inaabot ng P350.00 ang upa sa isang araw. Ganoon din sa magtatalok o magtatanim ng palay na umaabot sa P450.00 ang upahan sa isang araw at sobra pa sa minimum wage. Ang sestimang umiiral sa pagtatanim ng palay ay dapat marami ang magtatanim. Kapag kaunti ang nakuha mong mga magtatanim halimbawa sa isang ektarya ay 10 lang ang magtatanim na nakuha, hindi sasama sila dahil matagal daw matapos ang trabaho. Dapat sa isang ektarya ay 18 tao ang kinukuha na magtatanim para madaling matapos daw na sa ganap na 1:00 ng hapon ay tapos na. Pero buo pa din ang upa na P450.00. Dahil nga sa mahirap ang kumuha ng trabahador na tagabunot ng punla at tagatanim ng palay ay nagsasabog-tanim na lang ang karamihang magsasaka na dahilan sa mababang ani. Dahil nga kakaunti ang nakukuhang magtatrabaho sa mga palayan kaya mahal ang mga upa at malaki ang nadadagdag na gastos at puhunan sa pagpapalayan pero mas malaki sana ang ani ng lipat tanim kaysa sa sabog tanim. Pero dahil walang mga manggagawa ay sabog tanim na lang ang pangkaraniwang sestima ng pagtatanim.

DAPAT MAY ORGANISADONG GRUPO NA  MAGBIBIGAY NG SERBISYO SA MGA GAWAING BUKID- Halimbawa ng mga ito ay pagnaghanap ang isang magsasaka ng mag-aararo, halimbawa ay limang tao ay mayron kaagad na makukuha sa organisasyon. Halimbawa naman ay kailangan ang 10 magbubunot ng punla ay di bahala ang organisasyon na maghanap ng 10 manggagawa don sa grupo nila para italagang magbunot ng punla sa isang magsasaka. Halimbawa, kailangan ng magsasaka ang 10 tao na maglilipat tanim. Bahala ang organisasyon na magtalaga din ng magtatanim doon sa kanilan grupo. Ganoon din pag-anihan. Marami kasing mga palayan ang hindi kayang pasukin ng palay harvester at kailangan pa din ang mano-manong pagaani at thresher. Dapat mawala yong practice dito sa atin na ayaw ng kakaunti ang magtatanim. Dahil mahal ang upa sa paglilipat tanim dapat buong isang araw ang trabaho ng magtatanim. Kaya kahit sampu lang ang tao ay kayang taniman ang isang ektarya sa loob ng 1 araw.

ESTRATEHIYA SA MINDORO PROVINCES – Sa mga bayan sa dalawang lalawigan ng Mindoro ay maganda ang kanilang sestima. Mayroong grupong nangongontrata ng mga trabahong bukid. Kinokontrata nila ang pagbubunot ng punla at paglilipat tanim. Maganda ang kanilang sestima na may linya ang pagtatanim ng palay doon sa nagpapakontrata. Kaya ang gagawin na lang ng may-ari ay ihanda ang lupang tataniman at ang punlang itatanim. Depende  kung may kasunduang pakakainin o hindi ang magtatalok. Kung may pakain ay di mababa ang presyo ng kontrata.

Dahil nga mababa ang produksyon at mababa pa ang presyo ng palay ay luging lugi ang mga magsasaka. Yan ang dahilan kung bakit marami sa kanila ay tinatamad nang magtanim ng palay. Hindi na sila naghahangad na kumita sa negosyong pagpapalayan. Dahil ang tanging motibo nila ay may maisaing at maipakaing kanin sa pamilya. Paminsanminsan nagbebenta ng bigas para dagdag sa gastosin sa bahay. Pero yong gagawing negosyo ang pagtatanim ng palay ay hindi na mangyayari dahil napabayaan ng gobiyerno itong sector ng agrikultura. Kulang ang suporta ng gobiyerno sa ating mga magsasaka. Dahil ang mind set ng ating mga  economic managers ay importation. Kawawa ang ating nasyon, Kawawang Pilipino.

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment