ROMBLON, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang pahinante ng six-wheeler na truck na nahulog sa bangin matapos itong mawalan ng preno kaninang 7:50 ng umaga, Nobyembre 12, 2023 sa Sitio Highlander, Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na si Michael Macalam Dayalo, 35 taong gulang, may-asawa, residente ng Barangay Agbaluto, Romblon, Romblon, at porter ng six-wheeler truck na minamaneho ni Filino Lazaro Moreno, 43 taong gulang, may kinakasama, truck driver at nakatira sa Sitio Barangay Li-o, Romblon, Romblon.
Ayon imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station (RMPS), habang binabaybay umano ng six-wheeler truck ang kalsada sa Sitio Highlander, Barangay Capaclan, Romblon, Romblon ay nawalan ito ng preno habang sa di kalayuan naman ay nakaparada sa tabi ng daan, ang apat na motorsiklo na sunod-sunod niyang binundol. Sinikap umanong imaniobra ng driver ang nasabing truck pakaliwa ngunit may papasalubong na mga tricycle sa kabilang linya, kaya’t binangga na lang umano nito ang truck sa kongkretong barrier sa kanang bahagi kung saan ay diresto itong nahulog sa bangin.
Nagawa pa umanong makatalon ng driver palabas ng sasakyan ngunit naiwan ang kanyang kasamang pahinante na si Dayalo sa loob ng sasakyan.
Agad namang dinala sa Romblon District Hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuri ng doktor.
Kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Damage to Property ang inihahandang isampa ng Romblon MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek.
(TMMacalisang)







Add Comment