Odiongan, Romblon – Sa tulong ng taong bayan nahuli ang isang lalaki na itinakbo ang cellphone na ibinibenta sa kanya ng isang tindahan nitong umaga ng Oktubre 5, 2023, Brgy. Ligaya, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Monipa Mamco Mangandog, 37, may-asawa, businesswoman, at may-ari ng Mamza Shop and Cellphone Repair at nakatira sa Brgy Dapawan, Odiongan, Romblon habang ang suspek ay kinilala na si Maximino Galicia Rodales, Jr., 23 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng Brgy. Calagonsao, Alcantara, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), pumunta umano ang suspek sa shop ng biktima sa harap ng Odiongan Public Plaza at nagtanong tungkol sa cellphone na Vivo Y11.
Inalok umano ng biktima ang suspek ng isang unit na CP at ng makita ito ng suspek ay nagsabi ito kung pwede ma testing lalo na ang camera. Pagkatapos ng ilang sandaling pagsusuri sinabi ng suspek na bibilhin daw niya ang CP. Pagtalikod ng biktima para kumuha ng resibo ay bigla na lang umanong itinakbo ng suspek ang cellphone. Sumigaw ang biktima na ikinagulat ng kanyang asawa na si Amrodin Hanjimanan Ameroden at hinabol ang suspek sabay hingi ng tulong. Narinig naman ito ng apat na high school students ng Romblon State University na tumulong sa paghabol sa suspek kasama ang ilan pang kalalakihan.
Humantong sa kanto ng Haliwood Hotel at STL -Odiongan, Brgy. Ligaya, Odiongan, Romblon ang habulan pagkatapos umanong pagpasikot-sikot ng suspek na pumasok pa sa isang tindahan at umakyat ng pader para iligaw ang mga humahabol.
Narekober naman sa posisyon ng suspek ang kinuha nitong cp sa tindahan ng biktima.
Dinala ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa kanilang himpilan ang biktima at ang suspek pati na ang mga testigo para makunan ng pahayag.
Kasong “Theft” ang inihahandang ikaso ng Odiongan MPS laban sa nasabing suspek. (Tony M. Macalisang)







Add Comment