SAN AGUSTIN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang bata na menor de edad matapos malunod sa pagtaob ng bangka na sinasakyan nilang mag-ama dakong 7:30 ng hapon ng Agosto 28, 2023 sa Sitio Tamboyungan, Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon.
Sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, ang biktima at ang kanyang ama na si Jason Reyes Gonzaga ay sakay ng isang maliit na bangkang de sagwan mula sa barangay Poblacion San Agustin, Romblon papunta sa Barangay Binongaan ng nasabing bayan. Pagdating sa lugar ng insidente ay bigla nilang naengkwentro ang malalaking alon dulot ng hindi magandang panahon na naging dahilan ng pagtaob ng sinasakyang bangka.
Nagawang lumangoy ni Gonzaga patungo sa dalampasigan habang hawak-hawak ang anak.
Pagkaahon ay agad nitong isinugod ang anak sa Tablas Island District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas, ngunit idineklara itong wala ng buhay ng sumuring doktor na si Dr. Siffemar Fontamillas, MD. (TMM)







Add Comment