ODIONGAN, Romblon – Isang lalaking sinita ng mga awtoridad dahil sa walang suot na facemask ang nakuhaan ng pinatuyong dahon umano ng marijuana dakong 8:30 kagabi sa Children’s Paradise, Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang suspek na si Juvie Morgado Fontamillas, 29 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng Sitio Torrel, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, sa nasabing petsa, oras at lugar ang kanilang mga tauhan ay nagsagawa ng Oplan Sita at pagpapatupad ng Municipal Ordinance at pagdating sa Children’s Paradise at kanilang nakita ang isang lalaki na walang suot na facemask at nang kanilang lapitan ang nasabing lalaki ay nagtangka umano itong tumakas ngunit naagapan ng mga tauhan ng Odiongan MPS at inaresto. At nang makapkapan ang suspek ay nakuha sa posisyon nito ang isang pirasong heat sealed transparent sachet na naglalaman umano na pinatuyong dahon ng pinaghihinalaan na marijuana. Kasama rin sa nakuha sa suspek ang isang lighter, sigarilyo, at pera.
Ang pag-imbentaryo, pagkuha ng mga litrato at pagmarka ng ibedensya ay isinagawa sa harap ng mga testigo na kinabibilangan ng representante mula sa Dept. of Justice (DOJ), Barangay Official ng Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon at Media.
Ang suspek at ang mga nakuhang ibedensya ay isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang nasabing suspek sa paglabag sa Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) na inihahanda ng Odiongan MPS na isasampa sa Korte laban sa suspek. (RSun Staff)







Add Comment