SAN ANDRES, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang ginang matapos na aksidenteng masagasaan ng kasalubong na L300 van dakong umaga kahapon, Hulyo 6, 2025 sa Barangay Marigondon Norte, San Andres, Romblon.
Ayon sa San Andres Municipal Police Station, ang biktima na residente ng Barangay Marigondon Sur, San Andres, Romblon ay naka angkas sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang asawa at karga-karga ang kanilang walong buwan na anak.
Sakay ng kanilang motorsiklo ay binabaybay ng mag-asawa ang kalsada ng Barangay Marigondon Norte papunta sa simbahan ng Panon at pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalsada ay nawalan umano ng kontrol sa minamanehong motorsiklo ang asawa ng biktima kung saan ang natumba ang sasakyan at tumilapon ang biktima kasama ang kinakarga nitong anak.
Sa oras na ‘yun, ay paparating naman umano ang kasalubong nilang L300 van at aksidenteng nasagasaan ang biktimang ginang.
Nagtamo ng malubhang mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima.
Agad na isinugod sa San Andres Municipal Hospital ang mag-ina at kalaunan ay inilipat ang mga ito sa Romblon Provincial Hospital (RPH).
Sa kasawiang palad ay idineklara na dead on arrival (DOA) ang ginang ng sumuri na manggagamot ng RPH, habang ini-obserbahan ang anak nito.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang inihahandang isampa ng San Andres MPS sa Tanggapan ng Provincial Prosecutors Odiongan, Romblon laban sa suspek. (RSun Staff)






Add Comment