CAJIDIOCAN, Romblon – Nasawi ang isang ginang matapos itong mahagip ng motorsiklo habang tumatawid sa kalsada noong 7:30 ng umaga kahapon, Hunyo 23 sa National Road, Barangay Gutivan, Cajidiocan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na si Maricel Rivas Fernando, 40 anyos, may kinakasama, walang trabaho, habang ang itinuturong suspek ay siModesto Castillo, Rabino, 47 taong gulang, may-asawa, mangingisda, at kapwa residente ng Barangay Gutivan, Cajidiocan, Romblon.
Base sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station, sakay umano ang suspek sa kanyang motorsiklo na Yamaha Eerox habang binabaybay ang National Road ng Barangay Gutivan, Cajidiocan, Romblon papunta sa Barangay Taguilos, Cajidiocan, Romblon.
Pagdating sa lugar ng insidente, hindi umano napansin ng suspek ang biglang tumawid na biktima kung saan ay nasapol nito ang ginang na tumalsik sa kongkretong kalsada.
Nagtamo ng malubhang tama sa ulo at mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na isinugod sa Sibuyan District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Dakong 8:30 ng umaga ng nasabing araw ay idineklarang wala nang buhay ang biktima ng sumuri na manggagamot na si Dra. Hernandez, MD.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa Cajidiocan MPS kasama ang motorsiklo na sangkot sa aksidente. (RSun Staff)







Add Comment