Lalaki natagpuang may tali ng lubid sa leeg sa kanyang kuwarto sa San Andres, Romblon, patay

SAN ANDRES, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki na natagpuang may tali ng lubid sa leeg nitong nakalipas na araw sa Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.

Base sa ulat ng San Andres Municipal Police Station, natagpuan umano ang biktimang si “Junior”, 28 taong gulang,  ng kanyang menor de edad na pamangkin sa loob ng kanyang kuwarto ng kanilang bahay sa Poblacion, San Andres, Romblon na may tali ng lubid sa leeg habang nakaluhod sa sahig.

Agad na tinawag ng pamangkin ng biktima ang kanyang lola na si Bernadeth na ina ng biktima, at ibinalita na nagpakamatay muli ang biktima.

Mabilis nilang kinalas ang lubid na nakatali sa leeg ng biktima at isinugod ito sa San Andres Municipal Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring manggagamot ng naturang ospital.

Isinantabi ng pamilya na mayroong foul play na naganap sa biktima dahil nagtangka rin umano itong magpakamatay noong Enero 27 taong kasalukuyan, at naagapan ito na mabuhay.

Ayon pa sa ulat, ang biktima ay nakararanas umano ng depresyon mula nang ito ay iwanan ng kanyang dating live-in partner kasama ang kanilang anak.

Napag-alaman pa na ang biktima ay nasuri na may sakit na Schizophrenia at ito ay sumasailalim sa gamutan. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment