SAN ANDRES, Romblon – Bali ang buto sa kaliwang braso, putok ang kanang kilay at sugatan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na dinala ang biktimang punong guro sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, Romblon matapos salpukin ng humarurot na motorsiklo ng guwardiya ang minamaneho nitong motorsiklo dakong 11:00 pasado ng umaga ng Marso 16, 2024 sa national road ng Barangay Tanagan, San Andres, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Luz Amihan Macalisang, 61 taong gulang, may-asawa, School Principal ng San Andres Central Elementary School at residente ng Barangay Liwayway, Odiongan, Romblon habang ang suspek ay nakilala na si Ricky Factor Galigao, 31 anyos, may-asawa, security guard at nakatira sa Barangay Calunacon, San Andres, Romblon.
Sa imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station, sa nasabing petsa, oras at lugar ay binabaybay ni Ginang Macalisang ang national road ng Barangay Tanagan, San Andres, Romblon papunta sa direksyon ng Odiongan, Romblon habang nasa kabilang linya naman ang guwardiyang si Galigao na papunta sa direksyon ng Poblacion, San Andres, Romblon.
Pagsapit sa paahong bahagi ng kalsada ng nasabing barangay ay bigla na lang na umagaw ng linya ang humaharurot na motorsiklo ng nakainom na guwardya at diretsong sinalpok ang motorsiklo na minamaneho ng punong guro dahilan para tumilapon ito sa kongretong kalsada.
Nagtamo ng malubhang pinsala ang punong guro kung saan ay nabali ang buto nito sa kaliwang braso, pumutok ang kanang kilay, nagkalamat ang bungo sa bandang kanang mata, at sugatan sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Kaagad namang tinulungan ang biktima ng kasunod na mga motorista at mga kasamahang titser na humingi ng tulong sa BFP San Andres, Romblon at nagpaabot ng ulat sa San Andres MPS.
Isinugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon ng kanyang kapwa mga kawani ng San Andres Central Elem. School para malapatan ng kaukulang medikasyon.
Samantala, dinala naman ang guwardiyang nakabangga sa San Andres Municipal Hospital sa bayan ng San Andres para sa tinamong sugat at gasgas.
Ang nasabing guwardiya ay pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng San Andres MPS.
Kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries ang inihahandang isampa ng San Andres MPS sa Tanggapan ng Provincial Prosecutor laban sa suspek. (RSun Staff)






Add Comment