ROMBLON, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang ginang matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiko na minamaneho ng kanyang partner, dakong 9:30 kagabi, Pebrero 14 sa Sitio Ipil, Barangay Lonos, Romblon, Romblon.
Ang mga biktima ay kinilala na sina Anan Altabanon, 50 anyos, construction worker, at ang angkas nito na kanyang ka live-in na si Segundina Cawaling Magay, 50 taong gulang, fish vendor at kapwa residenteΒ ng Barangay Agnay, Romblon, Romblon.
Ayon sa Romblon Municipal Police Station, ang mag partner na umano’y nasa ilalim ng espiritu ng alak ay pauwi na sa kanilang bahay sa Barangay Agnay, Romblon, Romblon sakay ng motorsiklo na mabilis na pinaharurot ng driver na si Altabanon.
Pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada sa tapat ng abandonadong bahay ng pamilyang Marquez ay aksidenteng sumemplang ang motorsiklo sa tabi ng kongretong kalsada.
Nagtamo ng sugat sa ulo ang dalawa na isinugod sa Romblon District Hospital ng isla ng Romblon ngunit sinawing palad ang angkas na ginang na dineklarang dead on arrival (DOA) ng sumuri na manggagamot habang inoobserbahan naman ang lalaking biktima na masama rin ang kalagayan.
Isinailalim naman sa kustodiya ng Romblon MPS ang motorsiklo na sangkot sa aksidente. (Romblon Sun Staff)







Add Comment