Tindahan sa palengke ng Odiongan nilooban, mga menor de edad na suspek huli

ODIONGAN, Romblon – Pinasok at ninakawan ang isang puwesto sa dry goods section sa Odiongan Public Market, Odiongan, Romblon dakong madaling araw ng Setyembre 24, 2023.

Ang pinasok na tindahan ay ang Armedilla Dry Goods Store na pagmamay-ari ni Pebby Ferriol Armedilla, 46 taong gulang, may-asawa, negosyante at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.

Napag-alaman na ang mga suspek ay tatlong mga menor de edad.

Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang mga suspek ay dumaan sa isang maliit na siwang sa ibaba ng bubong ng tindahan pagkatapos na puwersahang tanggalin ng mga suspek ang nakapako na hogwire at nakatakip na sako.

Habang nasa loob na ng tindahan ay kanilang hinakot ang mga paninda na kinabibilangan ng mga bag, damit, sapatos, laruan at iba pa na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P11,933.00. Lumabas ang mga suspek sa una nilang dinaanang siwang sa bandang bubungan ng nasabing puwesto.

Nadiskubre lamang ng may-ari na pinasok ang kanyang tindahan noong magbukas ito bandang 2:00 ng hapon ng nasabing araw na agad nitong inireklamo sa Odiongan MPS.

Sa isinagawang  operasyon ng Odiongan MPS ay nakilala ay nahuli ang mga suspek. Narekober sa posisyon ng mga menor de edad na suspek ang mga ninakaw na paninda sa nasabing tindahan.

Inihahanda na ang kasong Robbery laban sa mga suspek na isinailalim sa kustodiya ng WCPD ng Odiongan MPS. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment