Bagong Backhoe Loader ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, binasbasan

Masayang ibinalita ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang pagdating ng bagong backhoe loader ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon na binasbasan ngayong araw Oct. 15, sa Provincial Government of Romblon Tablas Extension Office.

Ayon kay Governor Fabic, malaking tulong umano ang nasabing mga makinarya lalo sa panahon ng bagyo at may mga natitibag na lupa na humaharang sa kalsada at agad na maaksyunan.

“Alam po natin na sa tuwing may bagyo o sakuna, malaking hamon ang kakulangan sa heavy equipment, lalo na kapag may landslide at aberya sa ating mga provincial road. Hangad natin ang mabilis na pagtugon at kaligtasan para ating mga kababayan, kaya malaking tulong ang kagamitang ito sa iba’t ibang pangangailangan ng ating mga komunidad,” ayon kay Governor Trina.

Ayon pa sa kanya, ang probinsya ay mayroon nang dalawang pison at dalawang dump truck at para sa isla ng Sibuyan at Tablas.

“Simula last year, mayroon na tayong dalawang road roller, dalawang dump truck, at ngayon ay dalawang backhoe loader para sa Sibuyan at Tablas,” aniya pa ni Governor.

Ibinalita rin niya na may paparating pa na mga equipment tulad ng boom truck at grader para sa isla ng Tablas. Magagamit umano ang mga ito para matugunan ang problema sa kalsada partikular sa bayan ng Alcantara at Santa Fe kung saan may nakalaan na pondo mula sa Local Government Support Fund (LGSF) para sa landslide-prone na bahagi ng Barangay Comod-om sa bayan ng Alcantara.

“Nag-request din tayo ng pondo kay Senator Erwin Tulfo para sa susunod na taon sa pagpapabuti ng kalsada mula Hacienda Guinhayaan patungo sa apat na barangay sa Santa Fe—Danao Sur, Danao Norte, Guinbirayan, at Guintigbasan. May nakalaan ding pondo para sa bahagi ng pagsasaayos ng Santa Fe Provincial Road,” dagdag pa ni Gov. Trina.

Pahayag pa niya na, “Paunti-unti man, ay tuloy-tuloy po ang ating pagkilos at pagsisikap. Bawat dagdag na gamit at proyektong natatapos ay hakbang sa mas mabilis na pagtugon sa mga sakuna, at mas ligtas at maginhawang paglalakbay para sa bawat isa”

Pinasalamat rin ni Governor Fabic ang tanggapan ng PDRRMO, PEO, BAC, at ang lahat ng naging bahagi ng pagkuha ng mga kagamitang ito.

“Mas marami pa tayong magagawa sa ating pagtutulungan, para sa ikauunlad at kapakanan ng ating lalawigan,” ang huli nitong pahayag. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment