CALATRAVA, Romblon – Sugatan na dinala sa ospital ang isang 20 gulang na lalaki matapos masaksak ng nakainuman na menor de edad na estudyante dakong 3:00 ng madaling araw ng Disyembre 23, 2025 sa lumang paaralang elementarya ng Calatrava, sa Barangay Poblacion, Calatrava, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na isang 20 gulang na binata, walang trabaho at residente ng Barangay Calunacon, San Andres, Romblon habang ang suspek ay isang 16 taong gulang na estudyante ng Alternative Learning System (ALS) at residente ng Barangay Poblacion, Calatrava, Romblon.
Ayon sa Calatrava Municipal Police Station, ang biktima kasama ang limang kaibigan, kabilang sina alyas Alvin, alyas Mario, at ang suspek at dalawa nitong kapatid ay nag iinuman sa dating paaralang elementarya ng Calatrava sa Barangay Poblacion, Calatrava, Romblon.
Pagkaraan na makaubos ng isang bote ng alak ay nagpasya ang biktima na uuwi na sa kanilang bahay sa bayan ng San Andres, Romblon.
Sinabihan umano nito ang kapatid ng suspek na gisingin si “Mario” na natutulog sa oras na yun.
Sinunod naman ng kapatid ng suspek at biktima at tinulak umano nito ang ulo ni alyas “Mario” upang magising.
Sa puntong ito, nagalit umano ang biktima sa estilo ng pagising kay “Mario” at sinuntok nito ang kapatid ng suspek sa tiyan.
Dahil dito, ay nagkagulo na kung saan ang suspek at ang isa nitong kapatid ay pinagtulungan ang biktima. Bumunot umano ng patalim ang suspek mula sa kanyang baywang at inundayan ng saksak ang biktima na tinamaan sa noo.
Pagkatapos ng insidente ay tumalilis ang suspek papunta sa kanilang bahay at pagkaraan ay boluntaryong sumuko sa pulisya kasama ang kanyang tatay.
Dinala ng pulisya ang suspek sa Municipal Social Welfare Development Office para sa interbensyon at disposisyon habang ang biktima ay isinugod sa San Andres Municipal Hospital sa bayan ng San Andres, Romblon para malapatan ng kaukulang lunas.
Kasong Attempted Homicide ang inihahandang isampa ng Calatrava MPS sa Tanggapan ng Piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)






Add Comment