Binata, timbog sa buy-bust operation laban sa ilegal na droga, sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Arestado ang isang 27 anyos na binata sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan laban sa  ilegal na droga kaninang 10:00 ng umaga, Nobyembre 8, 2025, sa Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.

Ang suspek ay kinilalang si alyas “Jong”, 27 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng nasabing barangay.

Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), isang Anti-Illegal Drugs Operation ang ikinasa ng magkasanib na mga tauhan ng MDEU ng Odiongan MPS (lead unit), katuwang ang Romblon PIU at PDEA MIMAROPA na nagresulta sa pagkahuli sa suspek.

Isang tauhan ng pulisya ang nagpanggap na poseur buyer ang nakabili sa suspek ng isang piraso na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon na pinaghihinalaan na marijuana kapalit ang halagang P500.

Agad na inaresto ang suspek pagkatapos na maisagawa ang transaksyon.

Sa pagsiyasat sa suspek, nakuha rin sa kanya ang isa pang piraso na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon na pinaghihinalaan na marijuana, 2 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinagdududahang “shabu”, pera na halagang P500 na ginamit sa buy-bust operation, lighter, at kaha ng sigarilyo na may lamang sigarilyo.

Ang pag imbentaryo, pagkuha ng litrato at ebidensya ay isinagawa sa naturang lugar, sa harap ng suspek at sinaksihan ng opisyal ng Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon at kinatawan mula sa media.

Ang suspek ay dinala sa Odiongan MPS at isinailalim sa kustodiya ng nasabing himpilan.

Nahaharap sa kasong paglabag ang suspek sa Section 5 and 11 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahandang isampa ng OMPS sa piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment