NEGOSYANTE NANUTOK NG BARIL SA ODIONGAN, ROMBLON, KALABOSO

ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa kasong Grave Threat ang isang lalaking negosyante matapos nitong tutukan ng baril ang buong pamilya sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon, dakong umaga ng Huwebes, ika-6 ng Nobyembre taong kasalukuyan.

Ang mga biktima ay kinilala na sina alyas “Carlos”, 32 taong gulang, may kinakasama, mekaniko, “Jenny”, 25 taong gulang, “Carol”, at apat na bata na menor de edad na pawang residente ng Barangay Batiano, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si alyas “Joseph”, 46 na taong gulang na negosyante, may asawa at residente ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon.

Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), sakay ng motorsiklo na nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima na si alyas “Carol”, at pagdating ay galit umano nitong niyugyog ng malakas  ang gate ng bahay ng biktima.

Lumabas ng bahay ang biktima na si “Carol” at tinanong ang suspek kung ano ang problema nito.

Nagsalita umano ng pagbabanta ang suspek na sinabi, “Pag nakita ko ang anak mo, papatayin ko siya!” na tinutukoy ang biktima na si alyas “Carlos”.

Sinabihan naman ni “Carol” ang dalawa niyang apo na tawagan ang anak niyang si “Carlos”.

Noong dumating sina “Carlos” at “Jenny” ay nilapitan ni “Carlos” ang suspek kung saan ay bumunot umano ng baril ang suspek, ikinasa ito at itinutok kay “Carlos”.

Dala ng takot, ay umatras ang biktima.

Itinutok din umano ng suspek ang baril kay “Jenny” at pagkaraan ay sa apat na batang menor de edad, na sinabihan pa ng suspek na tumakbo.

Isa sa menor edad ang tumakbo sa loob ng bahay at sinabihan si “Carol” na, “Mommy he has a gun”, habang umiiyak at takot na takot.

Lumabas ng bahay si “Carol” habang nakataas ang kamay, dahil sa alam nitong armado ng baril ang suspek.

Ilang hakbang ang layo ni “Carol” sa gate ay tinutukan din umano ito ng suspek.

Pagkaalis ng suspek ay pumunta si “Carol” sa Barangay Hall at pinagbigay-alam ang pangyayari.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Odiongan MPS at natunton ang suspek na hinuli matapos basahan ng kanyang karapatan at dahilan ng kanyang pagkaaresto.

Narekober sa suspek ang isang baril na Glock 22 Gen 4 Caliber 40, isang magazine na may laman na 11 na bala, tatlong ID na nakapangalan sa suspek.

Dinala ang inarestong suspek sa Odiongan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 282 (Grave Threat) of Revised Penal Code in relation to Violation of RA 7610. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment