SAN ANDRES, Romblon – Sa pangatlong pagkakataon ay muling maghaharap ang dalawang kandidato sa pagka alkalde ng bayan ng San Andres, Romblon matapos na opisyal na magsumite ng kanilang kandidatura sa huling araw ng pagtanggap ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Election (COMELEC).
Naghain ng kanyang re-election bid para sa pangtatlong termino si Mayor Arsenio Ganan Gadon habang susubukan naman ni dating Mayor Fernald “Dok” Gamo Rovillos na muling masungkit ang pagka Punong Ama ng bayan ng San Andres.
Unang naglaban ang dalawa sa pagka alkalde ng nasabing bayan noong halalan 2019 kung saan ay nagwagi si Mayor Gadon laban kay Dok Rovillos.
Si Mayor Gadon na tumakbo noon sa ilalim ng partido LAKAS ay nakalikom ng 4,163 na boto kumpara kay Dok Rovillos na nasa Partido ng PDP-Laban na nakakuha naman ng boto na 3,972 o kalamangan na 191 na boto.
Sa pangalawa nilang pagtunggali noong 2022 na eleksyon ay muling namayani si Mayor Gadon kontra kay Dok Rovillos.
Bilang pambato ng bagong inaniban na partido na Nacionalista Party, si Gadon ay nakakuha ng kabuuang boto na 5,090 habang si Rovillos ng Partido PDP-Laban ay mayroong total na 4,448 na boto.
Marami ang nananabik sa muling pagtutuos ng dalawa na parehong may magandang nagawa sa kanilang paglilingkod sa bayan ng San Andres.







Add Comment