CORCUERA, Romblon – Binawian na ng buhay bago pa man makarating sa ospital ang isang lalaking barangay tanod na natagpuan na nakabitin sa loob ng kanyang bahay dakong 6:00 ng umaga ng Hunyo 28, 2024 sa Sitio Madabas, Barangay San Vicente, Corcuera, Romblon.
Ang biktima ay si alyas “Ben” 37 anyos, may asawa, Barangay Tanod at residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Corcuera Municipal Police Station, pasado alas siyete ng umaga na nasabing araw, ang pinsan na biktima na si Ronnel Fadullo na isa ring barangay tanod ng naturang barangay ay magpapakain ng kanyang mga alagang baboy sa kanyang bakuran ng makita nito ang biktima na nakabitin at may nakapulupot na lubid sa leeg at nakatali sa trusses na kawayan sa loob ng bahay ng biktima.
Mabilis itong humingi ng tulong sa biyenan ng biktima at agad nila itong isinugod sa Malipayon District Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring manggagamot.
Bago ang nasabing insidente, ang biktima umano ay pumunta sa bahay ni Barangay Kagawad Jeffrey Falcunaya na nagdiriwang ng kanyang kaarawan. Ayon sa mga kaibigan ng biktima, napansin umano nila na absent-minded ito habang sila ay nag-iinuman.
Dakong 8:00 ng gabi ng Hunyo 27, 2024, ay nagpaalam ang biktima sa kanyang mga kaibigan na uuwi na ito sa kanyang bahay. (RSun Staff)







Add Comment