LOOC, Romblon – Huli sa akto ang 5 katao na nagsusugal gamit ang baraha dakong 1:40 ng hapon nitong nakalipas na araw sa Sitio Pag-asa, Barangay Balatucan, Looc, Romblon.
Kabilang sa hinuli and senior citizen na si Fred Salvador Salmingo, 64, may-asawa, mangingisda, residente ng Sito Guintapian, Barangay Balatucan, Looc, Romblon, Erna Calma Rosimo, 38, walang trabaho, Christine Joy Colastre Flores, 18, estudyante at ang dalawang estudyante na edad 15 at 16 taong gulang at pawang residente ng Barangay Tabdo, Proper Zone I, Villadolid, Negros Occidental.
Sa ulat ng Looc Municipal Police Station, habang nagsasagawa umano ng intelligence monitoring ng most wanted person ang kanilang mga tauhan ay nagkataon na makita ng mga ito ang nasabing grupo na naglalaro ng baraha na kung tawagin ay “Bet Game”.
Agad nila itong hinuli at kanilang narekober mula sa kontrol at posisyon ng mga suspek ang isang set ng baraha at pera na nagkahalaga ng P987.00 na ginamit sa pagtaya.
Ang mga dinakip na suspek ay dinala sa Looc MPS kasama ang narekober na ebidensiya.
Kasong paglabag sa PD 1602 ang inihahadang isampa ng Looc MPS laban sa mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)







Add Comment