Mekaniko tinaga ng nakasuntukan sa San Andres, Romblon

SAN ANDRES, Romblon – Sugatan sa kaliwang balikat na dinala sa ospital ang isang mekaniko matapos itong tagain ng nakasuntukan dakong 12:40 ng madaling araw ng Mayo 9, sa Barangay Tanagan, San Andres, Romblon.

Kinilala ng San Andres Municipal Police Station ang biktima na si John Mark Glori Quarteros, 28, may kinakasama, mekaniko at residente ng Sitio Proper, Barangay Tanagan, San Andres, Romblon habang ang itinuturong suspek ay si Marvin Ibañez Abrera, 31, may kinakasama, operator/helper, tubong Biñan, Laguna at kasalukuyang nakatira sa Barangay Tanagan, San Andres, Romblon.

Base sa imbestigasyon ng San Andres MPS, noong 11:45 ng gabi ng Mayo 8, ang biktima kasama ang kaibigan na si Kurt Salazar ay nag-iinuman sa bandang baywalk ng Sitio Baybay ng nasabing barangay, habang ang suspek kasama ang kanyang kalive-in partner ay dumating mula sa isang “birthday party” ng kanilang kaibigan.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ni Kurl Salazar na humantong sa suntukan.

Sinubukan umanong awatin ng biktima ang dalawa, ngunit sa halip na sumunod, ay sinuntok rin umano ng suspek ang biktima hanggang nagkasuntukan ang dalawa na meron din umanong dating alitan.

Napahinto lamang umano ang kaguluhan ng awatin ang mga ito ni Barangay Kagawad Job Beoncio, Barangay Kagawad ng Barangay Tanagan, San Andres, Romblon.

Umuwi umano ang suspek sa kanilang bahay habang ang biktima ay naiwan at nakipagkuwentuhan sa mga istambay sa naturang lugar.

Habang nakaupo umano sa baywalk ang biktima ay patraidor umano itong tinaga ng suspek  gamit ang isang gulok kung saan ay tinamaan sa kaliwang bahagi ng balikat ang biktima.

Agad namang itong isinugod sa San Andres Municipal Hospital ang mekaniko para malapatan ng kaukulang lunas.

Samantala, inaresto naman ang suspek ng nagresponding mga tauhan ng San Andres MPS sa bahay ng kanyang biyenan at isinailalim ito sa kanilang kustodiya.

Kasong Frustrated Murder ang inihahandang isampa ng San Andres MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment