Senior Citizen naputulan ng dalawang daliri ng sanggain ang taga ng kalaban sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Putol ang dalawang gitnang daliri ng isang senior citizen matapos nitong sanggain ng kamay ang pagtaga ng nakaaway na suspek dakong 3:30 ng hapon ng Abril 29, sa bulubunduking lugar ng Sitio Aurora, Barangay Patoo, Odiongan, Romblon.

Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang biktima na si Leonardo Candido Fama, 64 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng nasabing lugar habang ang itinuturong suspek ay nakilala na si Pedro Gregorio, nasa hustong gulang, binata, magsasaka, at nakatira sa Sitio Bitaogan, Barangay Santo Niño, Santa Maria, Romblon.

Sa ulat ng Odiongan MPS, galing umano ang biktima sa kanyang pamangkin at ng umuwi ito ay nadatnan nito ang  suspek sa loob ng kanyang bahay na may hawak na armas na patalim.

Tinanong ng biktima si Fama ang suspek na si Gregorio kung ito umano ang nagkakalat na tsismis na tatalunin nito ang biktima na humantong sa mainitang diskusyon ng dalawa.

Gamit ang patalim, sinaksak umano ni Gregorio si Fama na sinangga naman nito ng kanang kamay na nagresulta sa pagkasugat at pagkaputol ng dalawang gitnang daliri ng biktima.

Dinala ng kanyang pamangkin ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para sa kaukulang lunas.

Samantala, tumakas umano ang suspek papunta sa direksyon ng Sitio Biatogan, Barangay Santo Niño, Santa Maria, Romblon dala ang ginamit na armas sa krimen.

Ikinasa naman ng Odiongan MPS ang hot pursuit operation at nakipagkoordinasyon ito sa Santa Maria MPS para sa agarang ikaaaresto ng suspek.

Sa dagdag na imbestigasyon, ay napag-alaman na may dating alitan umano ang dalawa.

Inihahanda na ng Odiongan MPS ang pagsampa ng kasong Frustrated Murder sa Opisina ng Provincial Prosecutor sa Odiongan, Romblon laban sa nasabing suspek. (RSun Staff)

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment