SAN AGUSTIN, Romblon – Duguan na dinala sa ospital ang dalawang lalaki na sangkot sa aksidente ng pagkabangga ng isang motorsiklo sa kasalubong na motorista na nakadamay pa ng nakaparadang motorsiklo dakong 6:30 ng hapon ng Pebrero 22, 2024 sa National Road ng Barangay Binonga-an, San Agustin, Romblon.
Sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, binabaybay umano ni Richard Salivio Miralles, 47 anyos, may-asawa at construction worker at residente ng Barangay Binongaan, San Agustin, Romblon ang National Road ng nasabing barangay sakay ng kanyang motorsiklong TMX 125 mula sa Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon.
Habang nasa kabilang linya naman at sakay ng kanyang motorsiklong XRM 110 ang nagmamadali na binatang si Joey Laya Frieneza, 51 anyos, na residente ng Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.
Dahil sa nagmamadali ay nag over-take umano sa kanang bahagi ng sinusundang biseklita si Frieneza kung saan ay nabangga nito ang paparating na motorsiklo na sinasakyan ni Miralles.
Dahil sa naturang aksidente ay pareho silang nawalan ng kontrol sa kanilang sasakyan at kapwa tumilapon sa kalsada at dahilan para magtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Agad namang isinugod ang dalawa sa Tablas Island District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Nadamay rin sa naturang aksidente ang nakaparadang motorsiklo sa tabi ng kalsada na pag-aari ni Dick Mangaya Mendezabal, 40 anyos, construction worker at nakatira sa Brgy, Poblacion, San Agustin, Romblon.
Ang mga sangkot sa aksidente na motorsiklo ay dinala sa himpilan ng San Agustin MPS. (RSun Staff)







Add Comment