SAN FERNANDO, Romblon – Kinumpiska ng magkasanib na mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang inabandonang mga kahoy na walang kaukulang dokumento, kahapon, Pebrero 14, 2024 sa Sitio Ulango, Barangay Espana, San Fernando, Romblon.
Ayon sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cajidiocan, nakatanggap umano sila ng report na mayroong inabandona na mga kahoy na walang kaukulang permit sa kinaukulan na ibibiyahe sa Hintutulo, Masbate.
Dahil sa naturang sumbong ay agad nagsagawa ng koordinasyon ang CGSS Cajidiocan sa CGSS Magdiwang at sa DENR Sibuyan para ikasa ang isang anti-illegal logging operation at kanilang pinuntahan ang nasabing lugar.
Matapos na isagawa ng grupo ang search operation ay kanilang nakita ang mga inabandonang mga kahoy na Apitong, at Red Lawaan na may iba’t-ibang sukat at bilang.
Base sa imbestigasyon, kanilang napag-alaman na ang mga kahoy ay gagamitin umano sa paggawa ng bangka sa lalawigan ng Masbate.
Ang kinumpiskang mga kahoy ay ipinagkatiwala ng CGSS Cajidiocan at CGSS Magdiwang sa opisina ng DENR Sibuyan para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)






Add Comment