BANTON, Romblon – Isang bangkang de motor na walang tao ang natagpuan na inanod sa karagatan na sakop ng Barangay Togong, Banton, Romblon dakong 4:35 ng hapon ng Enero 16, 2024.
Ayon sa Coast Guard Banton, ang narekober na bangkang de motor ay may nakatatak na pangalan na “Menchie”, at may kombinasyon na kulay green, puti at stripe na orange.
May nakamarka rin na address sa magkabilang gilid nito na “Suminabang, Dalupaon, Pas, Cam Sur”.
May haba itong humigit kumulang sa 28 feet, at lapad na 2 feet at 7 inches, at 2 feet at 6 inches ang taas. Mayroon itong makina na Yanmar number NB186 MA 10 HP.
Kuwento ni Barangay Kagawad Bernard F. Fabellon ng Barangay Togong, Banton, Romblon, nakita umano nila ang nasabing bangkang de motor kahapon dakong 2:30 ng hapon. Kalahating nakalubog umano ito sa dagat at nasa 700 metros ang layo sa dalampasigan na naturang barangay.
Wala umano itong kargang anuman maliban ang kanyang makina at angkla kung kaya’t nagdesisyon sila na hilahin papunta sa dalampasigan ang nasabing de makinang bangka.
Pansamantalang ipinagkatiwala muna ng Coast Guard Banton at Banton Municipal Police Station ang naturang bangkang de motor sa kustodiya ng Barangay Togong, Banton, Romblon habang hindi na nakikilala ang tunay na nagmamay-ari sa nasabing bangka. (RSun News Team)






Add Comment