SANTA MARIA, Romblon – Sa ospital ang bagsak ng dalawang motorista matapos salpukin ng nakainom na drayber ang kasalubong na motorsiklo kahapon ng 8:45 ng gabi, Enero 15, 2024, sa National Road ng Barangay Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon.
Kinilala ng Santa Maria Municipal Police Station ang biktima na si Raul Dalisay Garcia, 21 taong gulang, binata, estudyante at residente ng Barangay Tugdan, Alcantara, Romblon habang ang bumangga ay si Owen Paul Elento Florentino, 31 anyos, may kinakasama, mangingisda, at nakatira sa Barangay Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Santa Maria MPS, sakay ng kanyang motorsiklo na binabaybay umano ni Garcia ang direksyon papunta ng Alcantara, Romblon mula sa Santa Maria, Romblon, habang nasa kabilang direksyon naman si Florentino na umano ay nasa ilalim ng espiritu ng alak at mabilis ang pagpapatakbo sa minamanehong motorsiklo.
Pagsapit sa lugar ng insidente ay nawalan umano ng kontrol sa kanyang motorsiklo si Florentino at napagawi ito sa kabilang linya kung saan ay tiempo itong sumalpok sa kasalubong na sasakyan ni Garcia.
Dahil sa lakas ng banggaan ay kapwa nagtamo ng sugat at galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawa na dinala sa Santa Maria Rural Health Center para sa malapatan ng kaukulang lunas. Kalaunan ay dinala si Florentino sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon dahil sa malubha nitong tama sa naturang aksidente.
Ang mga sangkot na behikulo sa pangyayari ay dinala sa himpilan ng Santa Maria MPS para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)






Add Comment