Menor de edad na PWD na tumawid sa kalsada nahagip ng motorsiklo sa Calatrava, Romblon, sugatan

CALATRAVA, Romblon – Isang babaeng menor de edad na PWD ang nabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa kalsada dakong 11:13 ng umaga kahapon, Enero 15, 2024 sa national road ng Sitio Centro, Barangay San Roque, Calatrava, Romblon

Ang biktima ay isang menor de edad na batang babae, 9 taong gulang, PWD, estudyante ng Special Education at residente ng nasabing barangay, habang ang suspek ay kinilala na si Geerann Dubria Fajel, 21 anyos, walang asawa, estudyante at residente ng Barangay Linao, Calatrava, Romblon.

Base sa ulat ng Calatrava Municipal Police Station (CMPS), naglalakad umano ang biktima sa tabi ng kalsada para pumasok sa eskwelahan, habang ang suspek ay sakay naman ng kanyang motorsiklong Motorstar Zest X11OR na walang plaka at binabaybay ang parehong kalsada mula sa Barangay Linao, Calatrava, Romblon papunta sa Barangay Balogo, Calatrava, Romblon.

Pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada ay binilisan umano ng suspek ang pagpatakbo sa sinasakyang motorsiklo na walang kaalam-alam na tumawid ng kalsada ang biktima sa naturang lugar at aksidenteng nasapol ng suspek ang biktimang PWD.

Nagtamo ng sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima matapos tumilapon sa kongkretong kalsada at agad na dinala sa Calatrava Rural Health Unit para malapatan ng kaukulang lunas.

Ligtas naman umano ang suspek at dinala sa Calatrava MPS kasama ang motorsiklo na sangkot sa naturang aksidente. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment