ODIONGAN, Romblon – Disgrasya ang inabot ng isang batang lalaki na matapos matumba sa kanyang pagbibiseklita ay nasagasaan pa ng dumaang sasakyan na four-wheels nitong 4:45 ng hapon ng Enero 14, 2024 sa Provincial Road ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima na isang lalaking menor de edad ay nagbibiseklita umano sa Provincial Road ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon papunta sa direksyon ng bayan ng Looc, Romblon, habang ang suspek na nakilala na si Mary Jane Sombilon Nazareno, 34 anyos, may-asawa, isang guro at residente ng Barangay Poblacion, Looc, Romblon ay sakay naman ng kanyang sasakyan na Mitsubishi Xpander at nagmula sa Barangay Road ng sementeryo ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon.
Samantala, habang nagbibiseklita ang bata ay nawalan umano ito ng panimbang sa kanyang biseklita at ito ay aksidenteng tumimbuwang. Habang papalapit naman ang sasakyan ni Misis Nazareno sa direksyon ng natumbang bata na kung saan ay hindi umano napansin ng titser ang bata at aksidente nitong nasagasaan ang nasabing nilalang.
Dahil sa naturang pangyayari, nagtamo ng mga sugat at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang menor de edad na biktima na agad isinugod sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang medikasyon.
Ayon sa mga nakakitang testigo, agad umanong huminto ang sasakyan ng guro noong naramdaman nito na may tinamaan ang unahang gulong ng kanyang sasakyan.
Wala namang pinsala sa sasakyan ng titser, habang nasira ang manibela ng biseklita at nadisporma ang gulong nito.
Ang mga sangkot na behikulo ay dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang kustodiya at disposisyon. (Tony Miñano Macalisang)






Add Comment