ROMBLON, Romblon – Dumulog sa himpilan ng pulisya ang isang lalaki at inireklamo ang pambubugbog sa kanya ng isang grupo dakong 11:50 ng gabi, Enero 14, 2024 sa Public Plaza Covered Court, Barangay Poblacion – I, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay kinilala ng Romblon Municipal Police Station (RMPS), na si Elmer M. Fradejas III, 36 taong gulang, walang asawa, events coordinator/make-up artist at residente ng Festin St., Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon, habang ang inireklamong mga suspek ay napag-alaman na sina Kaylor Janine Rocha Escalada, 24 anyos, dalaga, self-employed, Ibarra Jose Mariveles Escalada, 45 anyos, may-asawa, supervisor ng Atlanta Industry, at Francis Stanley Caballero Benegas, 26 anyos, binata, at pawang nakatira sa Barangay Poblacion – II, Romblon, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Romblon MPS, habang nanonood umano ng palabas na Miss Gay Pageant ang biktima na si Fradejas ay nilapitan umano siya ng suspek na si Ibarra Jose Escalada at gusto umano nitong dalhin sa labas ang biktima at mag-uusap umano sila. Ngunit tumanggi ang biktima dahil hindi nito kilala ang suspek. Nagpupumilit umano ang suspek at nagsabi pa na, “DI MO BA AKO KILALA!’ DI MO BA AKO KILALA!” at bigla na lang umanong sinuntok ng mga suspek ang biktima. Lumaban umano ang biktima para ipagtanggol ang kanyang sarili, at saka mabilis na tumakbo para umiwas ngunit hinabol pa umano siya ng mga suspek.
Hanggang sa nakakita ng pagkataon ang biktima na makatakas at diretsong umuwi sa kanyang tinutuluyan.
Agad naman itong dinala sa Romblon District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas ang tinamong pinsala sa katawan.
Kasong Physical Injury ang inihahanda na isampa ng Romblon MPS sa Provincial Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon laban sa mga suspek. (RSun Staff)






Add Comment