MAGDIWANG, Romblon – Dalawang bahay ang tinupok ng apoy sa sinadya umanong sunog nitong 5:45 ng umaga ng Enero 1, 2024 sa Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon.
Nahaharap sa kasong Destructive Arson ang suspek na si Minard Patiño Rovira, 44 taong gulang, time keeper na inireklamo ng kanyang kinakasamang biktima na si Welina Rico Rafol, 45 taong gulang, negosyante at kapwa residente ng Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang suspek na nakakaramdam umano ng depresyon ay pinuwersa ang pamilya nito na umalis ng kanilang bahay at sinubukan pa umano nitong sunugin ang sariling tahanan sa pamamagitan ng pagsindi ng coupon bond at styrofoam sa pangalawang palapag ng kanilang tirahan.
Agad namang umano naapula ng maybahay ang ginawang pagsusunog ng kanyang kinakasama. Ngunit dahil sa takot ay agad umanong umalis ang pamilya sa nasabing bahay.
Sa kanilang pag-alis ay ikinandado umano ng suspek ang pintuan ng bahay para hindi umano muling makapasok ang umalis na pamilya.
Samantala, rumesponde umano ang Magdiwang Municipal Police Station at Bureau of Fire Protection Magdiwang sa nasusunog na pangalawang palapag ng nasabing bahay.
Sinabihan umano ng mga awtoridad ang suspek na buksan ang pinto ng bahay ngunit wala umanong tugon mula sa suspek kung kaya’t pinuwersa nang buksan ng mga tauhan ng BFP Magdiwang at Magdiwang MPS, ang pinto at kanilang nabungaran ang suspek na may hawak-hawak umano na isang screw driver, na pinakiusapan nilang sumuko ng maayos.
Kumalat na umano ang apoy sa buong pangalawang palapag, at dahil sa yari sa “light materials” ang bahay, nadamay na rin umanong nasunog ang unang palapag nito kung saan nandoon ang sari-sari store ng biktima at maging ang tindahan na pag-aari ng kanilang kapitbahay na si Ronie Ronillo.
Ayon sa BFP Magdiwang, wala namang napaulat na nasaktan sa naturang sunog na idineklarang fire-out dakong 6:30 ng umaga.
Tinatayang nasa halagang P1,000,000.00 ang natupok sa naturang sunog. (TMM)







Add Comment