Ni ERNESTO FIRMALO ANG II
Sa isang sulat-kamay na dokumento (pamagat: Expediente sobre el número de religiosos de Filipinas; reperensiya: FILIPINAS,324,N.1) sa Archivo General de Indias (AGI) sa Sevilla, España ay nakalista ang mga bayan ng mga isla ng Romblon sa panahon ni Fray Roque de la Virgen del Carmen, ang Prior ng bayan ng Romblon noong 1750. Sa taong ito, si Fray Miguel de la Virgen del Rosario naman ang namamahala bilang Prior ng Banton. Ang mga bayan ng Romblon at Banton ay may sariling Pari na itinalaga ng mga Agustinos Recoletos ng Obispado ng Cebu (Zebu) at ang mga bayang ito ay may kanya-kanyang hawak na maliliit na bayan na kung tawagin ay visita o anexo. Pinupuntahan nila ang mga visita palagi sa pamamagitan ng paglalakbay at sa dokumentong ito ay inilarawan nila kung gaano kalayo ang mga bayang ito at kung gaano kadami ang mga tao dito.
Sa panahong ito, ang Pilipinas ay nasa liderato ng Gobernador-Heneral na si Fray Juan de Arechederra. Kumbaga ay sya ang Presidente ng Pilipinas kumpara sa panahon ngayon.
Isipin natin na 272 na taon na ang nakaraan at halos 9 na henerasyon na ang nakalipas, ang mga bayan na ito ay kasalukuyang umiiral pa, ang iba ay nawala na sa ating kamalayan o lumipat na ng lugar at nagpalit ng pangalan.
Ang mga bayang ito ay ang kabisera ng Romblon sa isla ng Romblon, ang mga bayan ng Hiriocan, Lalauan at Cabolotan sa isla ng Tablas o Usigan, ang mga bayan ng Cauit, Cahiriocan at San Juan de Mailog sa isla ng Sibuyan, ang bayan ng Banton sa isla ng Banton, ang bayan ng Simara sa isla ng Simara at ang bayan ng Sibali o Maestre de Campo sa isla na pareho din ang pangalan.
Ayon sa dokumentong ito, ang kabisera ng Romblon ay may 247 tributos at may higit sa isang libong tao. (Ang tributo ay buwis na pinapataw sa isang tao. Noon ang buwis ay hindi lang pera, ito ay puwede ring hayop o mga ani tulad ng palay. Sa panahong ito, ang pagbibilang ng tributos ay isa sa mga istatistika na inuulat ng mga Pari). Sinabi rin ang kuta o balwarte na yari sa bato na may mga artilerya at iba pang armas laban sa mga Moro na walang gastos na galing sa kabang-yaman ng Hari ng España (Real Hacienda, o Royal Treasury).
Sa Tablas naman o kung tawagin noon ay Usigan, ang bayan ng Hiriocan ay isang visita o anexo ng Romblon at meron ditong 110 tributos. Umaabot ng isang araw na biyahe galing sa kabisera ng Romblon bago dumating sa Hiriocan. Ang bayang ito ay kailangan pang isaliksik ng maigi sapagkat hindi ko mahanap ang lokasyon nitong bayan sa Tablas. Sa aklat ni Fray Francisco Sabada del Carmen (Catalogos… , 1906, Madrid) ang Hiriocan ay bahagi ng Tablas. Tinawag nya rin itong Jidiocan. Sa aklat ni Fray Gregorio Fidel de Blas de la Asuncion, (Labor Evangelica… , 1910, Zaragoza) ang bayan ng Hiriocan ay matatagpuan sa isla ng Romblon (at hindi sa Tablas) sa lokasyon kung saan ngayon ay bayan ng Sablayan. Kailangan pa natin ng maraming patunay para makapagpasya kung ito ay tama.
Ang bayan ng Lalauan sa bandang timog ng Tablas ay may layong isang araw kung galing ka sa Hiriocan. Dito ay may 130 tributos. Ang Lalauan ngayon ay sinasabing Alcantara pero sa mapa sa nasabing aklat ni Fray Gregorio, ang lokasyon ay sa may bandang Guinbirayan ngayon na bahagi ng bayan ng Sta. Fe. Ang Lalauan ay visita ng Romblon.
Ang isa pang bayan sa Tablas ay ang Cabolotan. Galing sa Romblon, ito ay kalahating araw lang ang layo. Mayroong 100 na tributos na nakatira dito at visita din ito ng Romblon. Ang Cabolotan ay nasa hilaga ng bayan ng San Agustin (Badajoz).
Samantala, sa isla ng Sibuyan (Zibuyan), mayroong tatlong bayan o pueblo na visita o anexo din ng kabisera ng Romblon. Kailangan ng isang araw bago marating ang mga bayang ito galing ng Romblon. Inilarawan dito na ang pagtawid sa dagat papuntang Sibuyan ay mapanganib dahil sa malakas na agos.
Ang unang bayan ay ang Cauit na mayroong 100 tributos. Ang Cauit ngayon ay ang Azagra, isang Barangay ng San Fernando.
Ang pangalawang bayan ay ang Cahiriocan na mayroong 84 tributos. Ang Cahiriocan ngayon ay ang bayan ng Cajidiocan.
Ang pangatlong bayan ng Sibuyan ay ang San Juan de Mailog. Inilarawan dito na ang bayang ito ay bago lang at naitatag noong 1745 dahil sa pagdami ng mga Kristiyano dito. Simula 1744 hanggang 1750, mayroong 449 katao ang naging Kristiyano dahil sa pagsisikap ng mga dumaang ministro ng kabisera ng Romblon simula kay Fray Juan de San Jose alias Campanario hanggang kay Fray Jose de San Bruno at kay Fray Roque de la Virgen del Carmen. Ang pagtatag ng bayan ng San Juan de Mailog ay naaprubahan ng Hari ng España at nakasaad ito sa kanyang “Real Cedula” (Royal Decree) na may petsa na Septiyembre 2, 1747. Ang San Juan de Mailog ngayon ay ang bayan ng Magdiwang.
Ang tatlong bayan ng isla ng Sibuyan ay may 797 tributos o may 4,034 katao sa kabuuan. Sa panahong ito ng 1750, ang Sibuyan ang may pinakamataas na populasyon sa mga isla ng probinsiya ng Romblon.
Ang bayan ng Banton sa isla ng kaparehong pangalan ay may 234 tributos o 962 katao. Kagaya ng bayan ng Romblon, may sariling Pari na nakatalaga dito at malaya itong namamahala. Si Fray Miguel de la Virgen del Rosario ay nag-iisang Pari na humahawak ng tatlong isla ng Banton, Simara at Sibali. Ang Banton ay mayroong balwarte na yari sa makapal na kahoy na ginagamit na depensa laban sa mga sumasalakay na mga Moro.
Ang bayan ng Simara sa isla na kaparehong pangalan ay isang visita o anexo ng Banton. May 114 tributos o 502 katao dito at meron din silang balwarte na katulad ng sa Banton.
Ang bayan ng Sibali sa isla na kaparehong pangalan ay may 74 tributos o 310 katao. Ang tawag ng mga Kastila sa isla ay Maestre de Campo at Sibali naman ang tawag ng mga lokal. Ang tawag sa atin noon ng mga Kastila ay Indios o Naturales. Ang Sibali ay visita din ng Banton. Sa taong 1750, may bagong balwarte na ginawa dito sa Sibali na kagaya din ng sa Banton at Simara dahil sa pagsalakay ng mga Moro kamakailan lang at hindi pa nila alam kung ilang katao ang nabihag. Sinunog pa ng mga Moro ang simbahan, kumbento at ang bayan mismo. Ayon sa Pari ng Romblon, sa taong 1750, ay mayroon ng nabihag na mahigit sa 50 na Kristiyano ang mga Moro sa mga isla ng Romblon.
Ang pagsasaliksik ay hindi natatapos. Maaring marami pang bagong impormasyon na lumutang sa hinaharap. Sundan ninyo ang aking kolum dito sa Romblon Sun sa makulay na kasaysayan ng Romblon.






Add Comment