ODIONGAN, Romblon – Duguan na dinala sa ospital ang lineman ng TIELCO matapos na mahagip ang sinasakyan nitong motorsiklo ng humaharurot na sinasakyang motorsiklo ng empleyado ng STL sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon dakong 6:20 ng hapon ng Disyembre 10, 2023.
Ang biktima ay nakilala na si Edralph Formilos Vicente, 30 taong gulang, binata, lineman ng TIELCO at residente ng Barangay Canduyong, Odiongan, Romblon habang ang itinuturong suspek ay si Wilfredo Fortu, 46, binata, empleyado ng STL, at nakatira sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Sa nakalap na imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, binabaybay umano ng biktimang si Vicente ang Barangay Road ng Sitio Camarin, Barangay Tulay, Odiongan, Romblon pauwi sa kanilang bahay sa Barangay Canduyong, Odiongan, Romblon sakay ng kanyang motorsiklo na kulay violet na Suzuki Smash na walang nakakabit na plaka.
Samantala, si Fortu ay galing naman sa Poblacion na nakasakay sa kanyang kulay itim na motorsiklong Euro R125 na walang plaka at mabilis na menamaneho papunta sa direksyon ng Barangay Tulay. Pagdating sa kanto ng Barangay Road ng Barangay Tulay ay aksidenteng nasalpok ni Fortu ang papalabas na motorsiklo ni Vicente. Dahil sa pangyayari ay kapwa tumilapon ang dalawa sa kalsada kung saan ay pareho silang nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Agad namang isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang dalawa.
Kasong reckless Imprudence Resulting in Physical Injury and Damages to Property ang isasampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban kay Fortu.
Napag-alaman na parehong walang naipakitang lisensya sa pagmamaneho ang dalawa. (TMM)







Add Comment