ALCANTARA, Romblon – Nasapol ng motorsiklo ang isang tumatawid na lalaki nitong 12:30 ng hapon kahapon, Disyembre 10, 2023 sa National Road na sakop ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon.
Ang biktima na nakilala na si Jerry Gabriel Gregorio, 53 taong gulang, pintor, at residente ng nasabing barangay, habang ang suspek na nakasagasa sa biktima ay kinilala na si Patrick Galicha Galicia, 33, mekaniko, at nakatira sa Barangay Gui-ob, Alcantara, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS), sakay umano ang suspek sa kanyang kulay itim na motorsiklong Suzuki Sky Drive 110 na binabaybay ang kahabaan ng National Road ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon na kung saan ay aksidente nitong nabundol ang tumatawid na biktima.
Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang biktima sa kongkretong kalsada at nagtamo ng sugat sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad na isinugod ang biktima sa Rural Health Unit ng Alcantara, Romblon at kalaunan ay dinala sa Don Modesto Formilleza Hospital sa bayan ng Looc, Romblon para malapatan ng kaukulang medikal.
Ang sangkot na motorsiklo sa naturang aksidente ay dinala sa Alcantara MPS. (TMM)







Add Comment