Ni ERNESTO FIRMALO ANG II
Sa unang pagkakataon, dumaan ako sa isang kalsada galing Bachawan hanggang Panique noong Oktubre 2022. Dumaan kami galing sa paliparan ng Tugdan at naisipan na para maiba naman pauwi ng Odiongan ay dumaan kami sa Cabaliwan Peak. Isa itong mala Tagaytay na lugar ng Tablas – mahangin at malamig. Sa pagkakataong ito ay ginagawa pa ang daan dito. Kelan ba nagsimula ang mga kalsada sa Romblon?
Sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad sibil, nakilala ang mga sumusunod na Agustinos Recoletos sa konstruksiyon ng mga kalsada at tulay:
Fray Antonio Martín de la Virgen del Romero – binuksan nya ang lumang kalsada mula San Agustin hanggang San Andres. Si Fray Antonio ay naging kura paroko ng San Agustin taong 1886 hanggang 1889. Ang kalsadang ito ay tumawid sa mga bundok sa gitna ng Tablas at dumaan sa bundok ng Santa Ana at may habang 26 kilometro o 4 na oras na biyahe. Ito ay tinawag na contracosta dahil noon ay kailangang umikot at magbiyahe sa dagat papunta sa dalawang bayan na ito. Isa din ito sa mga matagumpay na nagawa ng Komandante ng Romblon (1886-1888) na si Don Luis Sarela Figueroa ayon sa ulat sa isang pahayagan na La Oceania Española noong Abril 7, 1888.
Fray Blas Martinez de San Antonio de Padua – itinayo ang daan simula Ferrol hanggang San Andres. Si Fray Blas ay naging kura paroko ng Odiongan noong 1879 hanggang 1883, lumipat sa San Agustin noong 1883, Banton noong 1885, Corcuera noong 1887-1889 at bumalik uli sa Odiongan noong 1889 hanggang 1893.
Fray Manuel Mateo del Carmen – itinayo ang daan simula Ferrol hanggang Alcantara kasama ang dalawang tulay na 30 metro ang haba ang bawat isa at iba pang mga imbornal. Si Fray Manuel ay naging kura paroko ng Looc noong 1880 hanggang 1885.
Fray Francisco Lenguas de la Reina de Los Angeles – naging kura paroko ng Cajidiocan noong 1872 hanggang 1888. Si Fray Francisco ay naglagay ng mga imbornal sa bayan ng Cajidiocan (mahigit 50 na imbornal) at isang matibay na tulay palabas ng bayan papuntang Magallanes (Magdiwang). Pinaayos din nya ang daang ito (Cajidiocan – Magdiwang) na halos matagal na hindi nadadaanan.
Sa naturang pahayagan ng La Oceania Española, naiulat din na ang daan ng Odiongan-Looc-Alcantara ay isa rin sa mga matagumpay na proyekto ni Don Luis. Proyekto din nya ang daan galing sa Poblacion ng bayan ng Romblon hanggang Punta Bombon sa habang 4.5 kilometro.
Pinagkunan:
Sabada del Carmen, Francisco. Catalogo de Los Religiosos Agustinos Recoletos…, 1906, Madrid.
Misiones Católicas en Extremo Oriente, 1937, Manila
La Oceania Española, 7 de abril de 1888, Manila






Add Comment